SA Biharia, Romania, isang sikat na pianista ang nakapagtala ng bagong world record nang mabilis na makapindot ito ng isang piano key nang 500 na beses sa loob ng 30 seconds.
Ginawa ni Thurzo Zoltan ang kanyang record attempt sa titulong “Most Piano Key Hits in 30 Seconds” noong October 23. Ginawa niya ito bilang alay sa kanyang ina na si Thurzó Margit Terézia, na pumanaw noong 2023 sa edad na 77.
Ang previous record sa titulong ito ay hawak ng pianistang si Keita Hattori ng Japan na may 495 hits. Kilala na rin si Zoltán sa nauna niyang mga world record, tulad ng pagtugtog sa pinakamataas na altitude (19,024 feet) at ang pinakamahabang tuluy-tuloy na pagtugtog sa piano (130 hours).
Sa kasalukuyan, bineberipika pa ng Guinness World Records ang mga ipinadalang mga pruweba ni Zoltan bago nila opisyal na itanghal ito bilang pinakabagong record title holder.