MARAMING namatay at napinsala sa nangyaring baha sa ilang bayan sa Batangas. Pinakagrabe ang nangyari sa Agoncillo na nawasak ang tulay kaya nahihirapan ngayong magdala ng tulong sa mga residente. Gumuho rin ang lupa na malapit sa ilog. Sa nangyaring pagbaha, ang mababaw na Pansipit River ang itinuturong dahilan. Napuno na umano ng putik ang ilog na nagmula sa pumutok na Taal Volcano. Dahil mababaw, umaapaw ang tubig na naging dahilan nang pagbaha nang humagupit ang Bagyong Kristine.
Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sinisisi ni Batangas governor Hermilando Mandanas kaya bumaha nang ganun kalaki sa kanyang probinsiya. Hindi raw naisagawa ng DENR ang dredging sa Pansipit River. Kung naisagawa raw ang dredging, hindi magkakaroon ng baha. Ayon pa kay Mandanas, masyadong maraming requirements na hinihingi ang DENR para makapag-dredge. Marami raw pagbabayarang permits at kung anu-ano pa.
May katwiran si Mandanas sapagkat ang DENR ang may responsibilidad sa pag-dredge sa mga ilog katulong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pakikipagtulungan naman sa local government units (LGUs) na nakasasakop sa lugar.
Ang DENR din ang nagbibigay ng mga permit para sa mga gagawing paghuhukay sa ilog. Kaya kung ang ilog ay masyado nang mababaw at nag-o-overflow na sa panahon ng baha, nararapat nang kumilos ang DENR. Kung hindi kikilos ang DENR, malulubog ang pamayanan dahil aapaw ang ilog.
Halimbawa ang Marikina River na masyado nang mababaw kaya sa kaunting ulan lang ay umaapaw. Pag-apaw ng Marikina River, tiyak nang lulubog ang mga nakapaligid na subdibisyon. Nangyari na yan nang manalasa ang bagyong Ondoy.
Pagkatapos manalasa ang Ondoy, nakita ang dahilan kung bakit ganun katindi ang baha sa Marikina—masyado nang mababaw ang Marikina River at kailangan nang i-dredge. Sa tagal ng panahon, marami nang naipong lupa at basura sa ilog.
Ang LGUs ng Marikina ang nagpursigi sa pagpapalalim ng Marikina River at siguro’y may bahagi rin ang DENR at DPWH. Pero sabi ng Marikina LGUs, mula nang isagawa nila ang pagpapalalim sa ilog, hindi na naulit ang baha na katulad ng nilikha ng Bagyong Ondoy. Kung dati raw ay lampas tao ang baha, ngayon ay hanggang tuhod na lamang at mabilis nang humupa ang baha. Pinalalim na kasi ang Marikina at patuloy pa raw ang ginagawang dredging hanggang sa maabot ang natural na lalim ng ilog na hindi aapaw gaano man karami ang ibuhos na ulan.
Sa pagbaha sa mga bayan sa Batangas, nagkulang ang DENR sa pag-dredge sa ilog at dapat nila itong panagutan. May katwirang manisi ang mga pinuno sa Batangas.