MULA sa tirahan namin sa may Abad Santos ay maglalakad ako patungong Recto at sasakay ng dyipni patungong Morayta kung saan naroon ang unibersidad. Pinaghusayan ko ang pag-aaral para naman hindi masayang ang perang ginagastos sa akin nina Tatay Kiko at Nanay Angela. Naipangako ko sa kanila na kapag nakatapos ako sa pag-aaral at nakakita ng trabaho, hahanguin ko sila sa hirap.
Kapag Sabado at Linggo ay tumutulong ako sa karinderya. Ako ang nagluluto. Marami pa rin kaming customer na pawang trabahador at empleyado sa Divisoria.
Kapag maaga akong lumalabas sa school ay deretso ako sa karinderya at tinutulungan ko sina Tatay Kiko at Nanay Angela. Pero sinasabihan ako ng mag-asawa na umuwi na ako at mag-aral ng aking lesson. Sila na lamang daw sa karinderya.
Lumipas ang apat na taon at nakatapos ako ng Acconting na may karangalan. Nagrebyu ako para sa CPA board at hindi ko akalain na napasama ako sa top ten.
Umiyak ang mag-asawa sa magandang balita na iyon.
Kasunod niyon, natanggap ako sa isang malaking accounting firm. (Itutuloy)