HINDI lamang illegal POGO ang pinasok ng mga Chinese sa ating bansa kundi pati na rin ang illegal mining. Ito ay ayon sa isinagawang imbestigasyon ng Presidential Anti-Oganized Crime Commission (PAOCC) makaraang maaresto ang 11 Chinese sa Paracale, Camarines Norte noong Linggo. Sinalakay ng PAOCC ang isang mineral processing plant sa Brgy. Tugos. Nakita sa lugar ang mga kagamitan na ayon sa mga engineers ay pang-extract ng uranium. Ginagamit ang uranium sa nuclear reactors na nagpoprodyus ng kuryente at isotopes na ginagamit para sa industrial at defense purposes.
Hindi dapat ipagwalambahala ang isyung ito na pagmimina ang ginagawa ng mga Chinese. Masyado nang nasasalaula ang ating bansa dahil sa kagagawan ng mga Chinese. Napag-alaman ko na open pit mining ang estilo ng pagmimina ng mga Chinese. Ito yung binubutas nila ang lugar o bundok para makuha ang mina. Kapag nakuha ang mina, iiwanan ang hukay. Napakasama ng ginagawa ng mga Chinese na ito sapagkat kapag napuno ng tubig ang hukay, dito na magkakaroon ng erosion. Magigiba ang bundok at magkakaroon ng landslide. Ganito ang nangyari sa maraming kabundukan makaraang butasin ng mga gahaman at walang kaluluwang illegal miners. Ang mga taong nasa paanan ng bundok ang nalilibing nang buhay makaraan ang landslide.
Malaking katanungan naman kung bakit nakalusot sa mga mata ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ginagawang pagmimina ng mga Chinese.
At ano ang ginagawa ng mayor ng Paracale at hindi nila na-monitor ang ginagawa ng 11 Chinese. Ayon sa report, ang mga Chinese ay pawang turista. Tourist visa ang hawak pero nagmimina ng Uranium.
Ang mga Chinese ay nakilalang sina Lui Wei Mang, Yu Yun Lai, Zhen Zi Yu, Li Chun, Jou Zheng Ren, Lou Peng, Sheng Yuan Fan, Chang Si Ci, Chen Chan Xia, Liu We Xi at Chen Gui Hua.
Pinerwisyo na tayo ng mga Chinese mula nang nag-operate ang POGO noong 2017 at ngayon naman ay illegal mining ang inaatupag nila sa ating bansa. Masyado nang binabalahura ng mga Chinese na ito ang ating bansa. Habang ginagawa nila ito, walang tigil din ang pambu-bully sa ating mga sundalo sa West Philippine Sea.