Dear Attorney,
Kapag po ba nagkasundo ang mag-asawa na maghiwalay na ay puwede na ang kasulatan na pinirmahan nilang dalawa at saka pinanotaryo? Hindi po ba kailangan pa pong i-file sa court ‘yung kasulatan? —Rico
Dear Rico,
Walang bisa ang sinasabi mong kasulatan kung saan nagkakasundo ang mag-asawa na maghiwalay kahit pa ito’y ipanotaryo.
Mababasa sa Article 1 ng Family Code na tanging ang batas lamang ang maaring maging batayan sa lahat ng usapin ukol dito at bukod sa usapin ng ari-arian ay hindi maaring maging paksa ng isang kasunduan ang anumang aspeto ng isang kasal.
Nakasaad din sa Article 2035 ng Civil Code na hindi maaring pumasok sa isang kasunduan o kompromiso ang sinuman ukol sa bisa ng kasal, legal separation, o ukol sa kapangyarihan ng mga hukuman upang dinggin ang isang kaso.
Malinaw ang ating batas na hindi basta-basta mapagkakasunduan ang anumang aspeto ng kasal.
Tama ka na kailangang dumaan sa korte para rito pero ito ay para magsampa ng kaukulang aksyon para sa legal separation o tuluyang pagsasawalang-bisa ng kasal at hindi para lamang i-file ang binabanggit mong kasulatan.