Pagpa-file ng COC, arangkada na ngayon

NGAYON (Oktubre 1) ang simula ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato para sa Mayo 2025 elections na tatagal hanggang Oktubre 8. Ayon sa Commission on Elections (Comelec) mayroong 18,280 elective positions para sa darating na midterm elections na gaganapin sa Mayo 12, 2025. Sabi ng Comelec, nakahanda na sila sa pagtanggap ng COCs at inaasahan na magiging mapayapa sa buong isang linggong paghahain ng COCs.

Sana nga ay maging tahimik at walang batbat ng kaguluhan ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo. Sa mga nakaraang pagpa-file ng COCs, may ilang lugar sa bansa na nabalot ng tensiyon dahil sa magkakalabang partido o kandidato. Hindi naman kaila na maraming pulitiko sa kasalukuyan ang may private army at ito ang dahilan kaya nagkakaroon ng kaguluhan. May mga pangyayaring tinatakot ang kalaban sa pulitika para hindi na tumakbo.

Karaniwang sa hilagang Luzon at sa Mindanao may mga pulitikong nag-aaalaga ng mga “sandatahang hukbo” at hanggang ngayon ay hindi sila makayang lupigin ng Philippine National Police (PNP). Hindi kayang wasakin ang hukbo na nagdudulot ng karahasan. Sana, may magawa si PNP chief Gen.Rommel Marbil na wasakin ang private army ng mga pulitiko para maging ganap ang katiwasayan sa pagdaraos ng election.

Ayon sa Comelec, ang campaign period para sa senatorial at party-list elections ay magsisimula sa Peb. 11, 2025 at magtatapos sa May 10, 2025.

Para naman sa mga tatakbo sa congress, governor at mayor, magsisimula ang campaign period sa Marso 28, 2025 hanggang Mayo 10, 2025.

Pero sa kabila na matagal pa ang campaign period, namumutiktik na ang mga nakadikit na campaign posters sa maraming bahagi ng bansa. Sa Metro Manila, marami nang nakadikit na campaign posters sa pader, poste, waiting shed, footbridge at mayroon na ring nakadikit o nakasabit sa mga punonkahoy at maski sa mga nakalaylay na cable wires.

Wala bang gagawing aksiyon ang Comelec ukol sa maagang pagkakabit ng campaign posters? Malinaw na paglabag ito sa Omnibus Election Code. Kapag hindi gumawa ng hakbang ang Comelec sa ginagawang ito, para ano pa at nagtakda ng campaign period?

Kung walang magagawa, walang nabago sa Comelec. Ganun pa rin.

Show comments