SINABI ng opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ang tumulong kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para makalabas ng bansa. Nasa payroll din umano ng POGO ang “ex-PNP chief”.
Kung may katotohanan ang akusasyon, malaking batik na naman ito sa PNP. Isang malaking kataksilan sa sinumpaang tungkulin na tulungang makatakas ang isang taong pinaghahanap ng batas. Mabuti at nahuli si Guo at mga kasama sa Indonesia at naibalik sa bansa. Nahaharap sa qualified human trafficking at kasong may kaugnayan sa POGO operations si Guo.
Sinabi ni PAGCOR Senior Vice President of Security and Monitoring Cluster retired ISAFP General Raul Villanueva sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality, may nakalap umano silang inpormasyon na isang dating hepe ng PNP ang tumanggap ng suhol at ito rin ang tumulong kay Guo na makalabas ng bansa. Gayunman, sinabi ni Villanueva na hindi niya alam ang pangalan ng “ex-PNP chief”.
Nararapat alamin kung ano ang pangalan ng “ex-PNP chief” at ihayag sa publiko. Hindi katanggap-tanggap sa mga naging PNP chief sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte kung hindi pangangalanan. Hangga’t hindi natutukoy, aandap-andap ang kalooban ng mga naging PNP chief. Hindi mawawala na mag-alala sila sapagkat mabigat ang akusasyon. Kung babanggitin ang pangalan, saka lamang makahihinga nang maluwag ang mga naging PNP chief.
Ang isang tiyak, kapag natukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing PNP chief, malaking dagok na naman ito sa pambansang pulisya. Nagsasagawa pa naman ng reporma ang kasalukuyang PNP chief para mahango sa pagkakalubog sa kumunoy ng mga kontrobersiya.
Sinisikap ni PNP chief General Rommel Marbil na ibangon ang imahe ng organisasyon na pinamumunuan sa pamamagitan ng paglupig sa mga scalawags. Sa kasalukuyan, maraming pulis ang nasasangkot sa iba’t ibang krimen. May mga sangkot sa recycling ng illegal drugs, kidnapping, carnapping, pagpatay at iba pang karumal-dumal na krimen.
Nang maupo si Marbil noong Abril, nangako siya ng mga pagbabago sa PNP kabilang ang pagdurog sa “scalawags” na miyembro. Ang pangako ay inaasahan ng mamamayan. Maisakatuparan nawa ni Marbil ang pangako para mailigtas ang organisasyon sa pagbulusok na pinalulubha ng isyu sa “ex-PNP chief”.