Dear Attorney,
Ako ang sinisingil para sa utang ng kaibigan ko. Kesyo raw pinaniwala ko siya na okey pautangin ang kaibigan ko nang tanungin niya ako kung maayos ba magbayad ang aking kaibigan.
Puwede ba talaga akong singilin para sa inutang ng aking kaibigan?— Mark
Dear Mark,
Nakasaad sa Article 1403 (2) ng Civil Code ang tinatawag na Statute of Frauds kung saan nakalista ang mga kontrata na kailangang nakasulat upang sila ay maipatupad ng korte sakaling magkaroon ng demandahan. Ito ay para maiwasan ang panloloko o pagsisinungaling, na malaki ang posibilidad kung ala-ala lamang ng mga partido ang aasahan sa pagpapatupad ng kontratang kanilang napagkasunduan.
Kabilang sa nakalista sa ilalim ng Statute of Frauds ang mga kasunduan kung saan inaako ng isang indibidwal ang utang ng iba sakaling ito’y hindi mabayaran. Kasama rin sa listahan ang mga kasunduang ukol sa representasyon sa kakayahang magbayad ng utang ng ibang tao.
Base sa nabanggit, malabong mapanagot ka kung wala ka namang pinipirmahang kontrata tungkol sa pag-ako ng utang ng kaibigan mo sakaling hindi siya makabayad o ng anumang kasulatan kung saan pinatotohanan mo ang kakayahan niyang magbayad ng utang. Alinsunod sa Statute of Frauds, kailangang nakasulat ang mga iyan upang ikaw ay mapanagot ukol sa pagkakautang ng iyong kaibigan.
Tandaan lamang na ang kasagutan sa taas ay angkop kung ang pinag-uusapan lang ay civil cases. Ibang usapan ang criminal cases, na puwedeng maging angkop base sa inyong kabuuang sitwasyon.