Dear Attorney,
Puwede po bang i-refile ang civil case na na-dismiss na? Salamat po. — Zoey
Dear Zoey,
May dalawang klase ng dismissal: dismissal with prejudice at dismissal without prejudice.
Maaring i-file muli ang kaso kung ito ay na-dismiss without prejudice. Kung ang kaso naman ay na-dismiss with prejudice ay hindi na ito maaring i-file muli at ang tanging magagawa na lamang ay ang iapela ang pagkaka-dismiss nito.
Hindi mo nabanggit ang basehan ng pagkaka-dismiss ng civil case na tinutukoy mo.
Kung ang dismissal ay dahil pinagbigyan ng korte ang motion to dismiss o kung kinatigan nito ang alinman sa mga sumusunod na affirmative defenses: (1) may nakaraang hatol na ukol sa kasong isinampa o kung hindi na ito maaring maisampa dahil paso na ang nakalaang panahon para sa pagsasampa nito, (2) kung ‘extinguished’ o wala ng habol ang nagsampa dahil siya ay nabayaran na, o dahil matagal na niyang inabandona ang kanyang paghahabol, (3) o kung ‘unenforceable’ o hindi maaring ipatupad ng korte ang habol ng nagsampa sa ilalim ng tinatawag na statute of frauds, ang dismissal ay with prejudice kaya hindi na maaring i-file muli ang kaso at ang remedyo na ay ang i-apela ang ginawang dismissal ng korte.
Kung ang pag-dismiss ay hindi naman dahil sa mga nabanggit na dahilan, maari pang i-refile ang kaso. Karaniwang dahilan ng dismissal without prejudice ang pag-file ng kaso sa maling venue o ang hindi pagdaan sa tinatawag na barangay conciliation bago ang pagsasampa ng kaso. Sa mga ganyang pagkakataon ay maaring i-file muli ang kaso sa tamang venue o matapos magharap ng mga partido sa barangay at makakuha ang magsasampa ng certificate to file action kung sakaling walang naging pagkakasundo.