Dear Attorney,
Mayroon po bang tinatawag na “regular by default”? Natapos na kasi ang six months probationary period ko pero wala naman akong contract na pinirmahan. May nakapagsabi sa aking okey lang daw iyon dahil “regular by default” na naman daw ako. Tama ba ang sabi sa akin? — Ginny
Dear Ginny,
Walang katagang “regular by default” na makikita sa Labor Code pero maari nating ipagpalagay na tumutukoy ito sa sitwasyon kung saan lumipas na ang probationary period at hinahayaan pa rin ang empleyado na magtrabaho.
Sa ganoong kasing pagkakataon ay ipagpapalagay na siyang isang regular na employee ng batas kahit pa hindi ito sabihin ng employer at kahit walang kahit anong kontrata na pinipirmahan ang empleyado ukol sa kanyang regularisasyon.
Kaya kung wala namang sinasabi sa iyo ang employer ukol sa iyong employment status nang matapos ang iyong probationary period at hinayaan ka lamang magtuluy-tuloy sa pagpasok sa trabaho, maituturing ka nang regularized sa ilalim ng batas.
Ang kailangan mo na lang linawin mula sa iyong employer ay ukol sa mga benepisyong natatanggap ng isang regular na empleyado bukod sa mga itinakda ng batas upang alam mo kung ano ba ang mga maari mong asahan bilang isang ganap na regular employee.