KAPAG maraming basura, marami rin ang daga. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit mataas ang kaso ng leptospirosis ngayon. Kapag tinangay ng baha ang mga basura, kasama rin ang dumi at ihi ng daga. Makokontamina nito ang tubig-baha. Sa tubig baha na ito naliligo ang mga bata at matanda. Kapag pumasok sa kanilang paa at binti na may sugat ang virus leptospira dito na magsisimula ang kalbaryo sa leptospirosis. Mararamdaman na ang mga sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng ulo at kasu-kasuan, hindi makaihi at kulay kape ang ihi.
Dalawang linggo makaraan ang pagbaha na dulot ng habagat at Bagyong Carina noong Hulyo 24, 2024, naglitawan ang mga maysakit na leptospirosis. Marami ang isinugod sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City at sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Nasa mahigit 70 pasyente ang naka-admit sa NKTI at may mga dumarating pang pasyente. Ang gymnasium sa NKTI ay ginawa nang tuluyan ng mga pasyenteng may lepto. Hiniling ng NKTI sa Department of Health (DOH) na dagdagan ang kanilang nurses at doctors doon.
Sa San Lazaro Hospital, mahigit 60 pasyente na may lepto ang naka-admit. Kinakapos din ng gamot at kulang din sa nurses sa San Lazaro dahil sa pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng may lepto. Ayon sa mga awtoridad, maaring madagdagan pa ang mga kaso.
Basura ang dahilan ng lahat. Kung naging maayos ang pagtatapon ng mga basura, hindi magkakaroon ng baha at wala ring maninirahang daga. Malaking aral ito sa lahat na dapat maging disiplinado sa pagtatapon ng basura. Ang paglilinis sa kapaligiran ay nararapat na panatilihin para walang mga daga na nagdudulot ng mga sakit gaya ng leptospirosis.
Noong Lunes, sinabi ni DOH Sec. Teodoro Herbosa na hihilingin nila sa local government units (LGUs) na gumawa ng ordinansa na nagbabawal sa paliligo sa baha para maiwasan ang leptospirosis.
Dapat noon pa ito ginawa para wala nang nagka-lepto. Ang problema ay kung paano sasawayin ang mga tao na maligo sa baha. Maraming pasaway na pinangungunahan ng mga matatanda at ginagaya ng mga bata. Sa halip na sawayin, nagkakatuwaan pa silang mag-swimming sa baha. Bahala na kung magkasakit dahil sa ihi ng daga.