Ang gymnastics, bukod sa pagiging sports ay uri ng ehersisyo na kinasasangkutan nang mga sistematikong galaw ng katawan na nagtataguyod ng lakas, pakikiangkop, balanse, koordinasyon at katatagan. Gymnast ang tawag sa mga taong nagpapraktis ng gymnastics. Ang termino ay nagmula sa Greek adjective na gymnos na ibig sabihin ay “magsanay nang nakahubad” dahil ang mga atleta noong unang panahon ay nag-eehersisyo nang walang damit.
Bilang isang uri ng ehersisyo, malaking tulong sa pagpapalusog sa pangangatawan ang gymnastics. Ayon nga sa Grow Health Fitness, nagpapalakas ito ng mga kalamnan sa katawan, pinananatiling healthy at lubricated ang mga kasu-kasuan na nakakatulong sa pag-iwas sa stiffness at arthritis, bumababa ang blood pressure, gumaganda ang cholesterol level at nagpapabuti sa kalusugan ng puso at daloy ng dugo sa katawan. Nagtuturo ito sa tao na maging madisiplina, matiyaga, konsentrasyon, at napapangibabawan ang mga problema na daan ng pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili. Epektibong paraan ito ng pagbabawas ng calories at pagpapababa ng timbang. Nagpapalakas din ito ng mga buto.
Sinasabi naman sa Pinnacle na ginagatungan ng gymnastics ang utak at katawan para higit na mag-aral at matuto. Ang mga batang sinasanay sa gymnastics ay natutuhang makinig sa mga tagubilin, maghintay, gumalang sa awtoridad, makipagkaibigan at natututong maging independiyente.
Madalas na naiuugnay ang gymnastics sa mga kabataang atleta pero, ayon sa artikulong “Top Ten Health Benefits of Gymnastics” ng Rockstar Academy, maaaring lumahok dito ang sinumang indibidwal anuman ang edad at level ng kakayahan. Maraming gym ang nag-aalok ng recreational classes para sa mga bata, tinedyer, matatanda at specialized programs para sa mga may kapansanan.
Isinasaad naman sa “Many benefits of learning gymnastics” ng Places Leisure (Part of Places for People) na sa gymnastics ay namamantini ang malusog na pangangatawan na susi sa pag-iwas sa mga sakit tulad ng asthma, cancer, obesity, heart disease at diabetes. Hinihikayat sa gymnastics ang healthy lifestyle tulad ng regular na pisikal na aktibidad at pagkain ng well-balanced diet.
Sa gymnastics, merong laging bagong matututunan na malaking bagay sa ibayong progreso at pagpapalakas ng kumpiyansa. Kapag bihasa ka na sa isang bagay, maliit man o malaki, merong nabubuong pakiramdam ng pagpapahalaga at paniniwala ng isang tao sa kanyang sarili, ayon nga sa British Gymnastics. Kapag nasa gymnastics o anumang sports, ang katawan ay nagpapalabas ng kemikal na endorphins. Tumutulong ito sa pagkakaroon ng positibong pakiramdam na merong positibong epekto sa kaligayahan at kaisipan ng isang tao. Nakakatulong ito na mapangibabawan ang anxiety at depression.
Pero, tulad ng ibang pisikal na aktibidad, meron ding mga peligrong masaktan sa gymnastics kaya kailangan dito ang tamang pagsasanay, superbisyon at pagsunod sa mga pangkaligtasang regulasyon para maiwasan ang kapahamakan. Mahalagang makipagtulungan sa mga kuwalipikadong coach at instructor na prayoridad ang safety and skill progression.
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com