Dear Attorney,
Kailangan po ba na gumawa ako ng written na employment contract para sa mga empleyado ng aking small business kahit matagal na sila sa akin? —Kelly
Dear Kelly,
Hindi naman kailangang nakasulat ang isang employment contract bukod sa iilang klase ng kontrata kabilang na iyong sa pagitan ng mga contractor at subcontractor. Basta’t may pagkakasundo ang employer at ang empleyado, mayroong tinatawag na employer-employee relationship, nakasulat man ang employment contract o hindi.
Gayunpaman, may mga pagkakataong mabuti ang may written employment contract. May presumption o ipapalagay ng batas na regular ang isang empleyado kung walang nakasulat na kontrata kaya mas mainam para sa kapakanan ng isang employer na may written employment contract lalo na kung non-regular ang kanyang empleyado.
Proteksyon din para sa employer na nakasulat ang employment contract para malinaw ang mga benepisyong tinatanggap ng kanyang mga empleyado. Kung maghabol man ang empleyado, madali nang matukoy sa tulong ng written contract kung karapat-dapat ba ang benepisyong kanyang hinihingi.
Ngunit sa sitwasyon mo na matagal na sa iyo ang mga empleyado mo (kaya ipagpapalagay ko na matagal na rin silang regular) at wala ka namang nabanggit na hindi pagkakaunawaan sa kanila ay hindi ko nakikita ang pangangailangan para bigla kayong magkaroon ng written employment contract.
Sapat nang basehan ang batas at kung ano mang company practice o policy mayroon kayo para pagbatayan ng obligasyon niyo sa isa’t isa. Baka pag-ugatan pa kasi ng hindi pagkakaunawaan kung bigla mong papapirmahin ng kontrata ang mga matatagal mo nang empleyado.
Mas mainam na sa new hires mo na lang ipatupad ang pagkakaroon ng written employment contract para walang maging pagkalito sa kung ano ba ang mga obligasyon sa pagitan mo at ng iyong mga empleyado.