Baha: Hagupit ng climate change

Napakatagal nang sinasabi ng mga scientist, environmentalist at ibang mga eksperto na lumulubha o tumitindi na ang mga bagyo sa iba’t ibang bahagi ng daigdig tulad dito sa Pilipinas. Ang malalaking pagbaha sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa dulot  ng mga bagyo ay isa sa mga palatandaan o epekto ng climate change.

Meron ngang katotohanan doon sa napaulat kamakailan na paninisi ni President Bongbong Marcos sa climate change at sa pagtatapon ng basura na kabilang sa dahilan ng malalaking pagbaha sa MM at ibang bahagi ng bansa tuwing bumabagyo tulad ng nangyari noong Miyerkules.

Nagpapatuloy ang mga malalaking pagbaha taun-taon kahit merong mga isinasagawang flood control project. May mga tao na nagtatapon pa rin ng mga basura sa mga kanal o estero na nagpapabara rito at isa sa nagiging dahilan ng pagbabaha.

Kahit linggu-linggong merong umiikot na trak ng basura sa bawat barangay, meron pa ring mga tao na nagtatapon ng mga basura sa mga kanal, estero at iba pang daluyan ng tubig.

Sa pandaigdigang kumperensiya noong 2009 sa Bangkok, Thailand hinggil sa climate change, ipinahiwatig ni Pier Vellinga ng Wageningen University na ang malaking pagbaha sa MM at iba pang mga lalawigan ay epekto rin ng pagtataas ng karagatan ng daigdig na epekto ng climate change.

Ayon naman sa scientist na si Stefan Rahmstof ng Potsdam Institute ng Germany, hindi na mapipigilan ang pagtaas ng mga karagatan sa mundo.

Ipinagdiinan din sa kumperensya ng Pilipinang si Dinah Fuentespina ng Global Campaign for Climate Action Asia na nagiging mabangis na ang mga bagyo sa Pilipinas dahil sa climate change.

Noong 2022, nagbabala si Rosalina de Guzman, hepe ng Philippine Atmospheric ­Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) climate change data, na ang lebel ng dagat sa Pilipinas ay mabilis na tumataas nang tatlong ulit kumpara sa global average na magdudulot ng panganib sa buhay ng mga Pinoy na naninirahan malapit sa mga baybaying-dagat.

Libu-libong pamilya ang mawawalan ng tirahan sa pagtaas ng katubigan ng mga karagatan. Sa nagdaang 10 taon, kumonti pero higit na nagiging mabangis  ang mga bagyong pumapasok sa Pilipinas.

Isang climate scientist ng PAGASA na si Dr. Marcelino Villafuerte ang nagsabi sa isang ulat ng ABS-CBN News na ang level ng karagatan sa Pilipinas ay tumaas nang 12 centimeter o halos five inches sa nagdaang 20 taon.

Isa ring sinisisi sa pagbaha ang ground water extraction na nagpapababa sa level ng lupa sa coastal communities sa paligid ng Manila Bay. Nabanggit sa isang report ng Agence France Presse na, hanggang noong 2019, ang mga lugar sa hilaga ng Maynila tulad ng Pampanga at Bulacan ay lumubog nang 4 to 6 centimeter a year mula noong 2003.

Napakarami nang mga naglalabasang mga report, pag-aaral at pananaliksik hinggil sa climate change at ang mga pagsisikap ng mga kinauukulan na matugunan ito sa nagdaang mga dekada sa buong mundo.

Dito sa Pilipinas, maaaring nagiging tampulan ng mga meme, kantiyaw, katatawanan at biruan lalo na sa social media ang malalaking pagbaha sa maraming bahagi ng bansa tuwing umuulan o bumabagyo pero isa itong patuloy na seryosong bagay na nagpapakita sa epekto ng climate change sa Pilipinas.

Kaya, ang pagtatapon ng mga basura sa mga kanal at estero, seryosong bagay ito na dapat pag-isipan.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments