Dear Attorney,
Puwede ba akong mademanda as co-maker ng utang? Magkano po ang sisingilin sa akin kung ang buong utang ay hindi nabayaran? — Mira
Dear Mira,
Puwede kang singilin at mademanda kung hindi makabayad ang nangutang dahil ang silbi ng co-maker ay ang managot sa halagang hiniram sakaling hindi makabayad ang pangunahing nangutang.
Madalas, itinuturing na surety agreement ang isang kasunduan ukol sa pagiging co-maker. Kapag surety kasi, maaring habulin kaagad ang isang co-maker sa oras na hindi makapagbayad ang nangutang.
Maari rin namang guarantor lang ang co-maker, kung saan maari lamang siyang papanagutin sa utang kung wala nang kahit anong ari-arian ang umutang na maaring sumagot para sa halagang kanyang hiniram.
Basahin mo na lang ang loan agreement na pinirmahan mo kung anong klaseng co-maker ka upang alam mo kung kailan ka maaring singilin.
Patungkol naman sa halaga, maari kang habulin para sa buong halaga kung wala talagang nabayaran sa inutang. Ang tanging pagkakaiba lang talaga na mahalaga ay kung kailan ka maaring singilin at ito nga ay depende kung isa kang surety o guarantor.
Kaya talagang hindi basta-basta ang pagpirma bilang co-maker dahil mapa-surety ka man o guarantor, tiyak na magkakaroon ka ng obligasyon managot sa utang ng iba kahit pa sabihin pang hindi ka naman nakinabang sa halagang hiniram.