DAHIL sa narinig kong kaluskos sa baul, natakot ako. Ipinasya kong lumipat sa kuwarto ni Nanay at aking kapatid na babae.
“O ba’t ka lumipat?’’ tanong ni Nanay.
“May kumakaluskos sa loob ng baul!’’ sabi kong gumagaralgal ang boses.
“Baka may nakapasok na daga?”
“Aywan ko. Basta may kumakaluskos!”
“Sige dito ka na muna at bukas ng umaga ay bubuksan ko.’’
Sa kuwarto na muna ako ni Nanay nagpatuloy sa pagrerebyu.
Kinaumagahan, kahit na ayaw makita ni Nanay ang mga lumang damit ni Lola Angela sa baul ay binuksan niya ito. Maayos na nakatiklop ang mga sinaunang damit ni Lola. Mabango dahil sa napthaline balls.
Wala namang nakitang daga o ipis na lumilikha ng kaluskos sa loob ng baul si Nanay.
“Baka naman hindi dito sa baul galing ang kaluskos,’’ sabi ni Inay.
“Diyan ko talaga narinig Nanay.’’
“Wala namang daga o anong hayop dito.’’
Sa kuwarto ko na uli ako natulog.
Wala na akong narinig mula noon.
Makalipas ang isang buwan, nagkasakit nang malubha ang kapatid ko. Malaki ang babayaran sa ospital. Hindi namin alam kung saan kukuha ng pera.
Hanggang sa muli kong marinig ang kaluskos mula sa baul.
(Itutuloy)