DJ sa Italy, 10 araw na nagpatugtog nang walang tigil para sa Guinness Records!

ISANG 59-anyos na DJ ang nakapagtala ng world record dahil mahigit isang linggo itong nag-perform sa isang club sa Italy.

Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Fabrizio Morero o mas kilala bilang si DJ Faber Moreira ang pinakabagong record holder ng titulong “Longest Marathon Club DJ-ing”. Ito ay matapos siyang magpatugtog nang walang tigil sa loob ng 10 araw.

Naganap ang marathon ni Morero sa isang club sa Saluzzo noong May 15 at natapos ito ng May 26. Sa stage kung saan nagpe-perform si Morero ay may naka-set up ng kama para doon siya magpahinga.

Upang hindi mapasama ang kalusugan ng magre-record attempt, may pahintulot mula sa Guinness na magpahinga ng limang minuto sa bawat isang oras ng pagdi-DJ.

Ayon kay Morero, naging madali at punumpuno siya ng energy noong mga naunang tatlong araw. Ngu­nit pagsapit ng ikalimang araw, nararamdaman na niya ang epekto ng kulang sa tulog. Pinakamahirap para sa kanya ang mga huling araw dahil nakakatulog na siya sa kanyang mixer at kailangan niyang wisikan ng malamig na tubig ang mukha para magising.

Bago gawin ni Morero ang Guinness record attempt na ito, dalawang taon niya itong pinaghandaan sa tulong ng kanyang mga personal trainer, nutritionist, physiotherapist, at yoga guru.

Si Fabrizio Morero o “DJ Faber Moreira” na tumugtog ng 10 oras para sa Guinness Record.

Show comments