NAG-VIRAL sa Thai netizens ang litrato ng isang street food vendor dahil kamukhang-kamukha nito ang karakter na ginampanan ni Keannu Reeves na si “John Wick”.
Naging misteryo kamakailan sa Thailand ang mga litratong kumalat sa social media na tila nagtitinda ng kape at inihaw na pusit si John Wick. Maraming humanga sa pagkakahawig nito sa sikat na action movie character. Ilan pa sa mga netizens ang naghinala na baka nagbabakasyon sa Thailand si Keannu Reeves.
Ang John Wick ay sikat na action movie franchise tungkol sa isang dating hitman na nagretiro upang mamuhay nang tahimik. Ngunit nang mamatay ang kanyang asawa at ninakaw ang kanyang alagang aso, siya’y bumalik sa mundo ng krimen upang maghiganti.
Ang karakter ni John Wick ay kilala sa kanyang kahusayan sa mga labanan at sa kanyang determinasyon na makamit ang katarungan. Pinalabas ito noong 2014 at sa kasalukuyan ay may tatlo na itong sequel.
Dahil walang makapagsabi ng totoong impormasyon sa likod ng mga litrato ng misteryosong street vendor, lalo itong pinag-usapan sa social media hanggang sa umabot na ito sa mga news program sa telebisyon.
Sa kalaunan, napag-alaman na ang street vendor ay si Andreas, isang lalaki mula sa Germany na binibisita niya ang kanyang Thai girlfriend sa Nakhon Rachasima Province.
Hindi siya totoong tindero at naisipan lang niyang tumulong sa isang street food stall na malapit sa kanyang tinutuluyang apartment. Gusto niya kasing maranasang magtinda ng street food at para gamitin din itong content sa kanyang social media.
Sa kasalukuyan, parang celebrity na si Andreas sa Thailand dahil sa kahit saan siya magpunta ay maraming nagpapalitrato sa kanya.