Karanasan ito ng aking Lolo Francisco noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Patay na ang aking lolo pero ang karanasang ito ay paulit-ulit niyang ikinuwento sa kanyang mga anak at mga apo. Isa ako sa napagkuwentuhan niya ng kakaiba at hindi malilimutang karanasan noong giyera. Malinaw na malinaw niyang ikinuwento ang lahat kahit matanda na siya.
Ayon sa aking Lolo Francisco, 12-anyos siya noong World War 2. Halos lahat ng mga kalalakihan sa kanilang baryo ay mga gerilya. Kaya ang mga natira lamang sa bahay ay mga matatandang lalaki at babae, dalagita at binatilyong katulad niya. Kapag daw ang edad ng lalaki ay kinse anyos ay sapilitang kinukuha ng mga sundalong Hapones at inaakusahang runner ng mga gerilya. May mga pinapatay na runner—binabayoneta ng mga Hapones at hinahayaan ang bangkay sa kalsada.
(Part 1)
Kuwento ni Lolo, nag-aalala ang kanyang ina at ama sapagkat baka paghinalaan siyang runner kahit siya ay 12-anyos lamang. Malaking bulas daw kasi siya at maaaring pagkamalan na 15-anyos.
Unang naisip daw ng kanyang mga magulang ay pagtaguin siya sa bundok para makaiwas sa mga Hapones. Subalit nag-alala rin na baka mamatay siya sa gutom. Baka hindi mahatiran ng pagkain dahil masyadong mahigpit ang mga Hapones.
Hanggang ilabas daw ng ina ni Lolo mula sa baul ang isang medalyon. Ipinasuot daw kay Lolo. Mahigpit ang bilin na huwag aalisin sa pagkakasuot. Iyon daw ang magliligtas kay Lolo sa mga mababagsik na sundalong Hapones.
(Itutuloy)