TAMA ang nasa isip ko na tatanungin ako ni Lola Felisa kung sinunod ko ang mga iniutos niya sa baon kong asin.
“Ano Manuel, ginawa mo ba ang sinabi ko? Nagbudbod ka ba ng asin sa sapa, sa kawayanan, sa palayan at sa entrada ng room ninyo?’’
“O-opo Lola,’’ bantulot kong sagot.
Tiningnan ako nang walang kurap ni Lola. Parang binabasa niya ang isip ko. Ibinaba ko ang tingin.
“Tingnan ko nga ang asin na baon mo,’’ sabi ni Lola.
Bantulot ako. Ano ang ipakikita ko e natapon sa classroom. May natirang kaunti.
Naghinala si Lola.
“Nagsisinungaling ka, Manuel. Kilala kita. May nangyari ano? Magtapat ka. Hindi naman ako magagalit. May nangyari ba?’’
Tumango ako.
“Ano yun?”
Ikinuwento ko lahat ang nangyari. Wala akong nilihim kay Lola.
“Kung sinunod mo ang sinabi kong budburan mo ng asin ang entrada ng classroom n’yo hindi ka kakaya-kayanin ng kaklase mo. Luluhod pa sa’yo yun!’’
Nagtaka ako sa sinabi ni Lola. Paano kaya luluhod ang bully na si Larry? Parang imposible.
“Pero hindi bale. Mas matinding asin ang ipababaon ko sa’yo.’’
“Magbabaon uli ako ng asin Lola?’’
“Oo. Para hindi ka na kayan-kayanin ng kaklase mo!”
(Itutuloy)