LUMAKI ako sa aking Lola Felisa (ina ng aking ama). Maaga kasing nabiyuda si nanay at nag-asawang muli. Pero sa halip na sa aking nanay ako tumira, mas ginusto ko kay Lola Felisa. Mas nakakakilos ako nang maluwag sa bahay ng aking Lola Felisa. Hindi ako komportable sa aking stepfather na sa tingin ko ay istrikto. Kaya ginusto ko kay Lola Felisa manirahan. Isa pa, wala nang kasama si Lola dahil kamamatay lang ni Lolo Fernando.
Mahal na mahal ako ni Lola Felisa. Natatandaan ko nag-aaral ako sa high school ay inihahatid pa niya ako sa aming school. Kahit sabihin kong huwag na niya akong ihatid ay nagpupumilit pa rin. Sabi ko kay Lola, malaki na ako at nakakahiya naman na ka-lalaki kong tao ay inihahatid pa ng lola sa school.
Sabi naman ni Lola, kaya niya ako inihahatid sa school ay para maiiwas sa mga masasamang espiritu o lamanlupa na madadaanan ko habang patungo sa school.
May isang kilometro rin kasi ang nilalakad ko mula sa aming bahay patungo sa school. Tatawid pa ng sapat at may dadaanang kawayanan na ayon kay Lola Felisa ay may mga naninirahang masamang espiritu at mga duwende. Si Lola Felisa ay may nalalaman sa panggagamot ng mga nanuno. Mayroon siyang nalalaman na pangontra sa aswang.
Nakumbinsi ko si Lola na huwag na akong ihatid sa school. Pero may kondisyon: kailangang magdala ako ng isang dakot na asin sa aking bag.
“Para saan ang asin, Lola?’’
“Panlaban mo sa masasamang espiritu at mga lamanlupa!”
Para wala nang usap, nagdala ako ng isang dakot na asin sa aking bag.
(Itutuloy bukas)