(Unang bahagi)
Kung kailan patay na ang aking Mama, saka ko naaalala ang mga mabubuti niyang payo sa akin noong siya pa ay nabubuhay. Tama ang kasabihan na kung kailan wala na ang isang tao ay saka lamang lubusan na mauunawaan ang kanyang kahalagahan.
Binalewala ko noon ang aking Mama. Matigas ang aking ulo. Kung ano ang magustuhan ko, sinusunod ko. Hindi ko pinakikinggan si Inay. Para sa akin, tama ang mga ginagawa ko at walang makakapigil sa akin.
Solo parent si Mama. Nabuntis siya ng father ko noong siya ay 19-anyos. Hindi na siya nakatapos ng kolehiyo dahil pinanganak na ako. Iniwan kami ng father ko noong ako ay one-year old. Iginapang ako ni Mama. Kung anu-ano ang pinasok na trabaho para ako buhayin. Tumindig sa sariling paa si Mama at hindi umasa sa tulong ng aking mga lolo at lola.
Matiyaga at matiisin si Mama. Hindi ko siya kinakitaan nang pagsuko kahit na nahihirapan. Ang tanging hangarin niya ay maibigay sa akin ang kaginhawahan na hindi niya naranasan.
Pero ang mga pagsisikap ni Mama ay hindi ko pinahalagahan. Naging matigas ang aking ulo.
(Itutuloy bukas)