MADALAS akong magbakasyon sa aking pinsan sa probinsiya. Tuwang-tuwa ako kapag nagpupunta roon na panahon ng tag-ulan dahil nakakaaliw ang huni ng mga palaka tuwing gabi. Parang nanghaharana dahil nagsasagutan. Nakakatulugan ko ang walang tigil na huni ng mga palaka. Malapit din kasi sa palayan ang bahay ng aking pinsan kaya talagang maraming palaka.
Dahil maraming palaka, isa iyon sa paboritong ulam. Kadalasan, piniprito ang palaka at mayroon ding sinampalukang palaka. Doon ako unang nakatikim ng palaka. Masarap! Parang karne ng manok.
Tuwing gabi nanghuhuli ng palaka ang aking mga pinsang lalaki. Dahil gusto kong makita kung paano hinuhuli ang palaka, sumama ako sa kanila isang gabi.
Dala ang isang maliwanag na ilaw, lumusong kami sa inararong palayan. Ang daming palaka. Dinadampot lang pala ito kapag nailawan. Parang nabubulag sila sa tama ng liwanag mula sa dala naming ilawan na de-gas.
Aliw na aliw ako at ginaya ang ginagawa ng aking mga pinsan. Nagluluksuhan sa iba’t ibang direksiyon ang mga palaka.
Hanggang sa mangyari iyon. Isang katamtamang laki ng palaka ang aking dinakma. Dahil madulas, nakawala ito at tumalun-talon sa hindi malamang direksiyon.
Hanggang sa masiyut ang palaka sa aking bunganga. Swak na swak. Bumara sa aking lalamunan! Hindi ako makahinga. Hindi malaman ng mga pinsan ko ang gagawin. Hanggang isa ang nakaisip na batukan ako. Dahil sa batok, nailuwa ko ang palaka!
Nabunutan ako ng tinik sa nangyari. Pinagpawisan ako sa nangyaring iyon. Hindi ko malilimutan ang pangyayaring iyon.