Tag-init: Paalala sa climate change

Dapat, tuwing sasapit ang tag-init sa Pilipinas tulad ng kasalukuyang panahon, makakapagpaalala sa sinuman sa atin ang tinatawag na climate change na hindi lang sa bansa natin nararamdaman kundi sa buong mundo. Makakapagpaalala rin ang global warming bagaman sinasabi ng mga dalubhasa na isa lang itong bahagi ng climate change.

Dahil nga mainit na naman ang panahon, marami ang nagbabakasyon sa mga lugar na malamig o mga pasyalan/bakasyunan na mayroong tubig tulad ng sa mga beach, resort na merong swimming pool, ilog, batis at iba pa. Hindi nga lang malaman kung nararamdaman nila kung mas mainit ang tag-init ngayon kumpara sa nagdaang mga taon, dekada o siglo.

Marami nang naglabasan at kumakalat na  mga babasahin, pananaliksik, pag-aaral, pagsusuri, biswal, lektyur, impormasyon at iba pa na tumatalakay sa pinagmumulan, epekto, katangian, solusyon kung meron man at marami pang bagay hinggil sa climate change. Mga usapin na sana nababatid at nauunawaan din ng mga ordinaryong mamamayan.

Malay ba naman ng mga tindera sa palengke halimbawa, ng mga maliliit na trabahador, ng mga magsasaka at mangingisda, jeepney at tricycle driver, sorbetero, magtataho, saleslady, waiter, ordinaryong maybahay, kargador, karpintero, pahinante, mason, estudyante, ng mga hindi nakapag-aral at iba pang tinatawag na masa kung ano iyong greenhouse effect/greenhouse gasses, ozone layer,  fossil fuel at rising  sea level.

Sa climate change, mas tumitindi ang init ng panahon kapag tag-init, lalong lumalakas at bumabangis ang mga bagyo, dumadalas na pag-ulan, lumulubhang tagtuyot, higit na nagiging mapaminsala ang mga pagbaha at unti-unting lumulubog sa tubig ang mga bayan at lunsod na nasa mga tabing-dagat.

May mga pagkilos naman ang  mga pamahalaan sa mundo at maging ang pribadong sektor para maibsan o mabawasan kundi man mapipigilan ang epekto nang climate change na malaki ang epekto sa kabuhayan at buhay ng mga tao. Marami na rin namang Pilipino ang namumulat sa isyu ng climate change at tumutulong na maibsan ang epekto nito.  Pero tila kulang pa rin ang mga pagkilos na ito. Nariyan at nagpapatuloy ang ilan sa mga sanhi ng climate change tulad ng paggamit ng fossil fuel (uling, petrolyo, gas, langis, at ibang kahalintulad ng mga ito).

Unti-unti na namang pumapasok sa Pilipinas ang mga sasakyang pinapatakbo ng baterya pero limitado ang bilang at ang mga gumagamit. Hindi pa malawakan o maramihan ang mga nakakagamit ng solar panel na pamalit sa kuryenteng pinapatakbo ng gas. Kulang pa rin o hindi sapat na nagagamit ang ibang mapagkukunan ng enerhiya o ng tinatawag na clean energy. Hindi pa rin maiwasan ang paggamit ng mga plastik na kagamitan. Maraming kabundukan at kagubatan ang napapanot o nababawasan.

Gayunman, lumabas sa isang survey ng Pulse Asia noong 2023 na malaking mayorya ng mga Pilipino ang nakapansin sa pagbabago ng klima ng panahon sa nagdaang tatlong taon sa kinaroroonan nilang mga bayan o lunsod.

Meron ding mga kontrobersiyal na aspeto sa usaping ito ng climate change na ilan ay iyong isyu na kabilang umano sa pangunahing umaambag sa climate change lalo na sa global warming ang mauunlad at mayayamang bansa tulad ng China, United States, India, Europe, Russia, Japan, Iran, Indonesia, Mexico at Brazil dahil mas malakas silang gumamit ng fossil fuel. Pero hindi ibig sabihin nito ay dapat nang magsawalang-kibo ang maliliit at mahihirap na bansa tulad natin dito sa Pilipinas dahil naaapektuhan din tayo ng climate change.

Kaya ang init sa panahon ng tag-init, hindi ito basta mainit na panahon lang. Ipinaaalala rin dito ang mga pagbabago sa klima ng ating bansa at ng buo nating planeta!

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments