Mapanganib na bang kumain ng bangus?

KABILANG ang bangus sa mga isda na sinasabi ng mga eksperto na nakakabuti sa kalusugan.  Mas mainam silang alternatibo sa mga karne ng baboy, baka. Lubhang popular ang bangus sa mga Pilipino anuman ang katayuan nila sa buhay at kabilang ito sa mga pagkaing hanap-hanap nila kahit nasa ibang bansa sila.

Maraming klase ng luto ang ginagawa rito tulad ng paksiw, sinigang, prito,  inihaw, relyeno, embotido, sisig at iba pa. Tulad sa sardinas, meron na ring mga naka-delatang pagkaing bangus. Kapag Mahal na Araw sa Sangkakristiyanuhan lalo na kung Biyernes Santo, kabilang ang isda sa nakasanayang pagkain bilang bahagi ng pangingilin.

Ayon sa National Nutritional Council, mataas ang omega 3 fatty acid at protina ng bangus. Sa pagkain ng bangus, pinapaunlad ang brain at memory development ng mga bata, nakatutulong sa pag-iwas sa sakit sa puso, dinadagdagan ang kantidad at kalidad ng breast milk ng mga ina, pumupuno sa kakulangan sa bitamina.

Sa isang laman ng bangus, ayon sa food and Nutrition Board Institute of Medicine, ang mga indibidwal ay nakakakain ng 116 porsiyento ng vitamin B12, 44% ng niacin, 24% ng vitamin B6, at 15% ng panthothenic acid. Ang water soluble vitamins kabilang ang B-complex vitamins ay mahalaga sa metabolism,  central nervous system function, skin health, at synthesis ng DNA, hormones at red blood cells. Meron ding taglay na Riboflavin, folate at vitamin A ang bangus.

Kaso, lumalabas naman sa isang bagong pag-aaral na pinondohan ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines na merong mga nakahalong plastik sa mga laman ng bangus. Sa 383 particles na nakuha sa 30 indibidwal na bangus mula sa mga sampling sites sa ilang piling lugar sa Mindanao, 235 ang kumpirmadong mga microplastic.

Sinasabi ng researchers na masasalamin dito ang lawak at tindi ng plastic pollution sa mga karagatan at ibang tubigan bagaman kailangan pa ang ibayong pag-aaral sa maaaring epekto nito sa tao. Bukod dito, hindi naman ito sa bangus lang nangyayari. Matagal nang natuklasan na maraming klase ng isda sa mundo ang kontaminado ng mga basurang plastik na nakakain nila sa mga karagatan tulad sa Pacific, Atlantic at Indian Ocean. Kabilang ang mga plastic sa mga basurang natatapon sa mga karagatan.

Hindi nga lang malaman kung ano ang mas matimbang, ang mga masusustansiyang benepisyong nakukuha sa mga isda tulad ng bangus o ang mga maliliit na plastik na napapasama sa katawan ng mga lamandagat na ito bagamat wala pang katiyakan at kalinawan kung nakakasama ito sa kalusugan ng tao?

Pero maraming tao naman sa mundo ang nananatiling malusog at mahahaba ang buhay kahit puro isda lang ang kinakain kasama ng mga gulay at prutas. Mukhang hindi isyu sa kanila kung kontaminado man ng plastik o hindi ang kinokonsumo nilang isda bagaman kailangan nga ring masuri ang epekto nito sa kanila. Lalo na sa mga nakatira sa mga tabing dagat na karaniwan na sa madalas kainin ang mga lamandagat.

Gayunman, tila nakabitin sa alanganin ang lahat hangga’t wala pang lumalabas na malakas at matibay na pruweba kung nakasasama o hindi sa kalusugan ng tao ang pagkain ng mga isda na kontaminado ng mga plastik. May mga mababasang pananaliksik hinggil dito pero puro teorya lang at hinala ang kinalalabasan. Maaaring ligtas pa namang kumain ng bangus na kontaminado ng plastik hangga’t wala pang malakas na siyentipikong basehan na delikado ito sa kalusugan.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments