EDITORYAL - Air pollution sa MM namo-monitor ba?

NAKALULUNGKOT malaman na kulang sa pasilidad ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para malaman ang tunay na kalidad ng hangin sa Metro Manila. Sinabi ng isang opisyal ng DENR na ang 138 monitoring stations sa Metro Manila ay hindi nagre-reflect ng tunay na kalagayan ng air pollution. Hindi raw umano nasusukat ng monitoring stations ang sea salt at volcanic ash.

Ayon kay Chadbert Nikko Aquino, air quality monitoring specialist ng DENR, hindi raw kayang magbigay ng eksaktong sukat ng air pollution ang mga monitoring stations sa iba’t ibang bahagi ng kalakhang Maynila.

Ang pag-amin ni Aquino ay kasingkahulugan na rin na hindi nila alam sa kasalukuyan ang tunay na kalagayan ng air pollution sa Metro Manila. Maaaring hinuhulaan na lamang ang kalidad ng hangin. Nakababahala ang ganitong sitwasyon sapagkat nasa panganib ang kalusugan ng mamamayan sa malalang kalagayan ng hangin sa Metro Manila.

Noon pang nakaraang taon sinabi ng DENR na ang kanilang 33 air monitoring stations sa MM ay hindi na napapakinabangan at kailangan na raw i-upgrade. Hindi na raw nagbibigay nang tunay na kalagayan ng air pollution.

Nagpapakita lamang ito na walang ginagawang aksiyon ang DENR para mapalitan o ma-upgrade ang kanilang monitoring system at nananatiling pahula-hula na lamang sa kalagayan  o kalidad ng hangin sa Metro Manila.

Siguradong malubha ang kalagayan ng air pollution sa Metro Manila dahil sa mga sasakyang yumayaot sa Metro Manila. Karamihan ng mga sasakyan na binubuo ng mga pampasaherong dyipni, bus at taxi ang pinanggagalingan ng nakalalasong usok. Ang mga sasakyan na ito ay hindi na dumadaan sa regular na pagmimintina at takbo na lamang nang takbo.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga sakit na nakukuha sa paglanghap ng hangin na may lason ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon sa report, 120,000 Pilipino taun-taon ang namamatay dahil sa pagkalanghap ng maruming hangin. Ayon pa sa pinakahuling pag-aaral, number three ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na maraming namamatay dahil sa air pollution.

Ang pagkilos ng DENR sa problema ng air pollution ay nararapat. Magkaroon ng mga bagong kagamitan sa pagsusuri sa kalidad ng hangin. Ipag-utos ang pagpapatupad sa Clean Air Act of 1999 at magkaroon ng regular smoke belching campaign sa mga karag-karag na sasakyan na mahigit 20 taon nang yumayaot sa mga lansangan.

 

Show comments