Ang elepante ay napakalinis sa katawan kaya tinawag siyang Elepanteng Makinis. Araw-araw ay may schedule siya ng paliligo sa ilog.
Minsan, habang naglalakad sa tulay, nakasalubong naman niya si Baboy Burara. Nakakatagal ito na hindi naliligo ng ilang araw kahit maghapon siyang magpagulung-gulong sa putikan.
Umusod si Elepante sa pinakagilid ng tulay at ipinagpatuloy ang paglalakad. Si Baboy ay buong pagmamalaking pumagitna pa sa tulay habang naglalakad. Nakasalubong ni Baboy ang kanyang mga kaibigang kapwa baboy at sinabi sa mga ito:
Nakita n’yo yun? Tumabi si Elepanteng Makinis nang masalubong ako, kasi takot siya sa akin.
Narinig ng mga tsismosang elepante ang sinabi ng baboy kaya sinabi nila ito kay Elepanteng Makinis.
Napangiti si Elepanteng Makinis.
Napakaliit ni Baboy para ako ay matakot. Ipitin ko lang siya sa pagitan ng aking mga binti, tiyak na para siyang tiniris na kuto. Kaso hindi ko iyon gagawin. Takot akong mapadikit sa maputik niyang katawan at nadidiri ako sa mabaho niyang amoy kaya tumabi ako nang magkasalubong kami sa tulay.
Para sa mga taong laging iniintriga ng kapwa. Ang katapat lang niyan ay pag-iwas na patulan ang mga taong naninira sa iyo, sa halip, mag-concentrate sa pagpapaunlad ng sarili. Huwag pansinin ang mga tao o bagay na makaaabala sa iyong mga ginagawa. Ipagpatuloy lamang ang paghabol sa iyong mga pangarap.
Sabi nga sa isang quotation: “Don’t listen to what people say behind your back. Just remember: A lion does not look back when small dogs bark.”