Meron nga bang gamot sa hangover?

ANG hangover ay kundisyon ng ilang tao pagkatapos uminom nang maraming alak. Makakatulog pagkatapos uminom at pagkagising, nakadarama ng panghihina, pananakit ng ulo, pagkahilo, panunuyo ng mga labi, pagsusuka, pagkauhaw at iba pang sintomas ng hangover.

Gayunman, ayon na rin sa ilang eksperto, merong mga tao na kinakaya ng katawan ang epekto ng alak kaya hindi sila gaanong nagkakaroon ng hangover. Pero, kahit hindi gaano, nakadarama pa rin sila ng hangover.

Sa ating mga Pinoy, mainit na kape ang isa sa karaniwang ginagawang panlunas sa hangover bagaman walang lumalabas na matibay na katibayan na epektibo ito. Pero meron nga bang remedyo sa hangover?

Lumalabas sa ilang pananaliksik na ang mga tao na mula sa pamilya ng mga manginginom ay mas madalas nakakaranas ng hangover. Ipinahihiwatig sa mga pag-aaral na nangyayari ang hangover kapag ang ininom na alak ng isang tao ay mas marami kaysa sa karaniwan niyang iniinom na alak.

Ayon nga sa isang ulat ni Kimberly Hickok sa Popular Mechanics, isa sa inirerekomendang solusyon para maibsan ang hangover o makaiwas dito ay ang pag-inom ng tubig o ibang likido na hindi nakakalasing habang lumalagok ng alak. Ang dahilan nito, ang alak ay nagsisilbing diuretic na pumipigil sa katawan na tumanggap ng tubig at nagtutulak na mabawasan ng tubig ang katawan sa pamamagitan ng pag-ihi.

Isang clinical psychologist ng Centre for Addiction and Mental Health sa Ontario, Canada na si Jesus Chavarria ang nagbahagi kay Hickok na “karamihan ng mga tao ay hindi umiinom ng tubig o ibang non-alcoholic fluids habang umiinom ng alak.” Sa pag-inom anya ng tubig o ibang non-alcoholic beverages tulad ng mga sports drink, nababawasan ang mga sintomas ng dehydration na konektado sa hangover pagkatapos malasing.

Tinanggihan din ni Chavarria ang paniniwala na isang remedy laban sa hangover ang mga pagkain na mamantika. Wala anyang siyentipikong ebidensiya rito. Ang alak ay nakaaapekto sa blood sugar level kaya naghahanap ng pagkain ang katawan ng tao kapag meron siyang hangover.

Pero hindi nakakatulong sa pagpapatatag sa blood sugar ang mga pagkaing hindi masustansiya. Panandalian lang maiibsan ang hangover sa pagkain ng mamantikang pagkain. Naroon pa rin ang pananakit ng ulo at iba pang sintomas ng hangover. Hindi rin lunas dito ang pag-eehersisyo at paliligo nang mainit o malamig na tubig.

Marami ring mga sinasabing gamot sa hangover na nabibili sa mga botika nang walang reseta ng doktor tulad ng mga nutritional supplement o herbal remedies pero, sabi ni Yunfeng Lu, chemical and biomolecular engineering professor ng University of California, Los Angeles, hindi aktuwal na mga gamot ito.

Ayon din kay Chavarria, may ilang naunang mahihinang siyentipikong katibayan sa mga sinasabing bitamina na makakapagpapawala sa hangover.

Sumasang-ayon naman ang mga eksperto na ang pinakamabuting paraan para mabilis na mawala ang hangover ay uminom nang responsable o katamtaman, uminom nang maraming tubig at matulog nang sapat. Nariyan din ang kumain muna para meron nang laman ang tiyan bago uminom ng alak. Pero, sabi nga ng mga doktor, umiwas sa alak para hindi magka-hangover.     

 

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments