PALAKAS nang palakas ang ingay sa pagsususog o pagbabago sa 1987 Constitution. Cha-cha ang tawag dito na pinaikling Charter change. Simula nang magkaroon tayo ng Konstitusyon noong1935 hanggang 1987 o pagkalipas lamang ng 52 taon, pitong beses nang binago ang ating Konstitusyon.
May tatlong paraan para baguhin ang ating Konstitusyon: Sa pamamagitan ng People’s Initiative, Constituent Assembly, o Constitutional Convention. Mangyayari ang People’s Initiative kapag hindi bababa sa 12 porsyento ng kabuoang bilang ng rehistradong botante ay magpanukala ng pagsususog sa Konstitusyon. Mangyayari ang Constituent Assembly kapag nagpasya ang three-fourths ng Kongreso na susugan o baguhin ang Konstitusyon. Mangyayari ang Constitutional Convention kapag naghalal ang mga tao ng mga delegado para susugan o baguhin ang Konstitusyon.
Ang umuugong ngayon ay ang People’s Initiative, pero may pumapailanglang na masamang usok. Diumano’y binabayaran ng malaking halaga ang mga pumipirma para rito. May kasabihan na kapag may usok, may apoy. Ang layunin daw ng susog ay para palakasin ang ekonomiya, katulad ng pagpapahintulot sa mga dayuhang kompanya na bumili ng lupa.
Ang restriksyong ito raw ang dahilan kung bakit ayaw mamuhunan dito ng mga dayuhang kompanya. May ganito ring pagbabawal sa China, pero bakit doon ay masigla ang dayuhang pamumuhunan? Ayon sa mga pag-aaral, wala namang pakialam ang mga mamumuhunan kung ano ang Konstitusyon ng isang bansa, ang mahalaga sa kanila’y ang maayos na imprastruktura, mabilis na sistema ng pagnenegosyo at kawalan o mababang katiwalian. Lahat ng mga ito ang ating problema.
May mga haka-haka na ang talagang puntirya ng pagbabago ng Konstitusyon ay upang mapanatili sa kapangyarihan ang mga kasalukuyang lider sa pamamagitan ng pagbabago sa sistema ng gobyerno—mula sa presidential tungo sa parliamentary.
Ano nga kaya ang tunay na tugtog sa likod ng Cha-cha? May mga taong tinatanaw ang pagbabago ng Konstitusyon na solusyon sa lahat ng ating mga problemang pambansa. Talaga bang Konstitusyon at batas ang solusyon sa ating mga problema?
Marami nang taon ang nagdaan ay problema na natin ang lumalalang polusyon. Noong 1999, pinagtibay ang Clean Air Act sa layuning mapanatili ang malinis na hangin para sa mga Pilipino. Luminis ba ang ating hangin dahil sa batas na ito? Ang Pilipinas ang ika-69 bansa sa buong mundo na may pinakamaruming hangin. Napakabagal magtayo at mag-umpisa ng negosyo sa Pilipinas dahil sa red tape at katiwalian.
Noong 2018, pinagtibay ang Ease of Doing Business Act. Bumilis ba ang transasyon ng negosyo sa Pilipinas. Ang Pilipinas ang ika-95 sa buong mundo sa bilis ng pagpupundar ng negosyo.
Marami tayong magagandang batas, ngunit hindi naman naipapatupad. Kahit anong gandang batas o Konstitusyon ang magawa natin, kung hindi magbabago ang ating karakter na makasarili at walang malasakit sa bansa ay mananatili tayong kulelat. Kung ang lagi lamang nating isinusulong ay ang ating mga karapatan at personal na kapakanan at tinatakasan natin ang ating mga responsiblidad bilang mga mamamayan, walang mangyayari sa atin, mananatili tayong alila ng mundo.
Sana, ang isulong na lamang ng Kongreso at ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagbabagong kultural—pagbabago ng ugali, pananaw at pinahahalagahan. Pagbabagong sa mga lider dapat magsimula! Ito ang dapat isayaw nating lahat!