NAKAAALARMA ang trangkaso at ubo ngayon na nauuwi sa pneumonia dahil sa pabagu-bagong klima bagama’t hindi naman ito kasing bangis ng COVID-19, delikado pa rin ito lalo na sa mga senior citizen.
Ngayon dapat maalerto ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Health (DOH) laban sa smugglers at botika na nagbebenta ng mga fake na gamot. Bukod sa napakamahal, delikado pa sa mamamayan.
Noong 2021, nakakumpiska ang Bureau of Customs ng P80 milyon na halaga ng smuggled counterfeit medicines. Nadakma ang Pakistani na si Adel Rajput. Bahagi pa lang ‘yan!
Pangunahin sa mga pekeng gamot na nakumpiska ay Bioflu, Neozep, Ivermectin, Alaxan, Tuseran forte, Propan at Diatabs sa mga bodega sa Parañaque at Pasig City.
Nakapagtatakang nakakalusot ang ganitong gawain sa BOC at nahuhuli kapag nakalabas na. Pinagkitaan na, may accomplishment pa? Naku naman!
Ito marahil ang dahilan kung bakit matagal gumaling ang mga nagkakasakit sa mga probinsiya at liblib na barangay. Sa maliliit na botika na parukyano ng mga smugglers sila bumibili ng gamot.
Patuloy ang pagdating ng smuggled na ukay-ukay na galing sa Pakistan kaya posibleng dito nila isinisingit ang mga pekeng gamot.
Sa tagal ng pagtatrabaho ni BOC Comm. Bien Rubio, imposibleng hindi niya ito makapa. Hintayin natin!