NAGPAUNA na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mas asahan pa ang matinding pagsisikip ng trapiko lalu na nga ngayong holiday season.
Aba’y talaga nga yatang matapos ang ilang taon na pandemya, ngayon mas ramdam na ramdam ang matinding trapik kahit saan.
Ngayon bumubuhos ang ating mga kababayan sa mga lansangan.
Asahan pa ang ganitong sitwasyon hanggang sa matapos ang Disyembre, yan umano ang mga kritikal na araw sa matinding trapik.
Buhos na ang ating mga kababayan sa pagsa-shopping at pagtungo sa mga mall at tiangge.
Kaya nga nagrekomenda ang MMDA sa mga mall owner na i-adjust ang kanilang opening at closing time para hindi rin masabay sa rush hour.
Sa kabila naman na titindi pa ang trapik, walang balak ang MMDA na aalisin ang number coding window hours dahil wala naman umanong “carmaggedon” na sitwasyon sa mga lansangan.
Gayunman, paiigtingin pa rin ng MMDA ang kanilang clearing operations sa Mabuhay Lanes para magkaroon ng alternatibong ruta ang mga motorista sa MM ngayong holiday season.
Sa mga motorista naman, eto ang muling paalala, laging magbaon ng mahabang pasensiya.
Sana eh maiwasan ang init ng ulo sa lansangan para iwas ‘road rage’.
Mahirap na matatapos ang taon eh masangkot sa mainitang komprontasyon sa lansangan, hindi mo masasabi kung ano ang maaaring ibunga nito.
Disiplina at respeto sa kapwa motorista ang sa tuwina ay dapat na pairalin sa mga lansangan, kahit ma-trapik, easy-easy lang.