Kailangan bang magpaliwanag sa ­resignation letter?

Dear Attorney,

Kailangan ba maglagay ng dahilan sa resignation letter? Iniisip ko po kasi kung ilalagay ko pa na may magandang offer sa akin ang lilipatan kong kompanya kaya bigla po akong magre-resign. —Rina

Dear Rina,

Ang pagbibigay ng written na resignation letter ay upang mabigyan ng notice ang employer ukol sa napipintong resignation ng empleyado. Hindi ito paghingi ng permiso. Ginagawa ito upang ipaalam sa employer na magre-resign na ang empleyado at ang pagbibilang ng nalalabing araw na kailangan niyang i-render ay magsisimula na mula sa araw na iyon.

Dahil hindi naman paghingi ng permiso ang pagbibigay ng resignation letter, hindi mo na kailangan pang lagyan ng dahilan kung bakit ka magre-resign.

Ang kailangan mo lang siguraduhin bilang isang empleyado ay ang pagsunod mo sa nakatakdang notice period bago mo tuluyang lisanin ang iyong kasalukuyang trabaho. Kung walang written na  employment contract o kung mayroon pero walang nakasaad na probisyon ukol dito, kailangang manatili ka ng hanggang 30 days matapos ang iyong pag-file ng resignation letter.

Kailangan din na walang anumang employment bond sa iyong employment contract na nagtatakda kung gaano ka katagal dapat manatili sa trabaho. Kung sakali kasing hindi masunod ang mga nabanggit ay maaring maharap sa demanda ang isang nag-resign na empleyado. Siguraduhin mo rin na wala kang non-compete clause o kung mayroon man, ay hindi sa kalabang kompanya ang iyong lilipatan.

Kung makakapagpaalam ka naman nang maayos at matapos mo ang pag-render mo ng 30 days (o kung anumang notice period ang nakalagay sa employment contract mo, kung mayroon man), at kung wala ka namang lalabagin na employment bond o non-compete clause ay hindi mo na kailangan pang magpaliwanag sa iyong employer kung bakit ka magre-resign. Sapat na ang mga nabanggit upang ikaw ay matiwasay na umalis sa trabaho.

Show comments