ISA sa mga tagapagsilbi ang squirrel sa kanilang Haring Leon. Pinagbubuti niya ang pagsisilbi sa hari dahil pagtanda niya ay pinangakuan siya nito ng araw-araw na rasyon ng tatlong kilong almonds. Araw at gabi ay nagtatrabaho siya sa palasyo ng hari. Nawalan na siya ng oras upang maglibang. Naiinggit siya sa kanyang mga kasamahang squirrel na kahit nagtatrabaho ay may oras pa rin para maglibang. Ngunit inaaliw na lang niya ang sarili na pagtanda naman niya ay may matatanggap siyang rasyon ng almond araw-araw mula sa hari. Aba, bihirang-bihira sa mga squirrel ang nakakatikim ng almonds.
Lumipas ang maraming taon, matanda na ang squirrel at uugod-ugod na. Bago lumisan sa palasyo ay binigyan siya ng parangal ng hari at paunang rasyon ng almonds—isang tiklis ng almonds. Natuwa ang squirrel ngunit sandali lamang—sa sobrang katandaan ay nabungi na ang lahat ng kanyang ngipin. Ano ang ipangngunguya niya sa almonds?
Parang ‘yung kakilala ko, trabaho siya nang trabaho noong kabataan niya. Kapag niyayaya siyang magbakasyon sa abroad ng mga kapatid, hindi siya sumasama dahil katwiran niya aksaya lang iyon sa pera. Matanda na siya nang maisipang magpahinga sa pagtatrabaho. Gusto niyang magbakasyon sa abroad pero hindi na puwede. Mahina na siyang kumilos dahil marami na siyang iniindang sakit sa katawan. Sayang marami pa naman siyang pera pero hindi niya ito ma-enjoy.