HINDI lang marahil nabibigyan dati nang pansin ang ipinatutupad na seguridad hindi lang sa mga bus terminal kundi sa iba pang himpilan ng mga pampublikong sasakyan.
Baka naman kasi kapag may mga espesyal na okasyon lamang saka ito naipapairal o kung may naganap nang trahedya saka mapupuna.
Gaya na lang sa naganap na pamamaril sa loob ng isang bus sa Carranglan, Nueva Ecija kung saan binaril at napatay ang mag-live partner kamakailan.
At dahil nga sa sinasabing posibleng may kapabayaan sa seguridad, eto at maghihigpit na umano ng seguridad maging ang Philippine National Police (PNP) Supervisory Office for Security and Investigation Agencies dahil nga sa naganap na pangyayari.
Nabatid sa PNP-SOSIA, maglalabas sila ng panibagong direktiba sa mga security guards na paigtingin pa ang isinasagawang pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa loob ng mga terminal.
Bahagi umano ito nang paghihigpit para maiwasang maulit ang insidente sa mag-livein na negosyante na binaril nang malapitan sa ulo ng dalawa ring suspect na lulan din sa bus.
Eto na nga ang ating sinasabi, ngayon papalapit na naman ang holiday season kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero kaya kailangang nakaalerto ang mga nagbabantay sa mga terminal.
Kailangan hindi lang ang pagtse-check sa mga bagahe, dapat alam din ng mga guwardiya at napag-aralan na rin marahil nila ang kilos at galaw lalo na at kahina-hinala ng mga indibiduwal at grupo.
Malaki rin ang maitutulong ng mga maayos na kagamitan tulad ng metal detector kung pwede nga meron na rin sniffging dogs para sa pagbusisi sa mga pasahero at mananakay na pwedeng magsagawa ng pananamantala.
Ang mga ganitong kagamitan dapat na pinupuhunanan lalu at makakatulong sa mahigpit na seguridad kaysa naman sa may pagsisihan.
Sa huli may babala rin ang PNP SOSIA na ipatutupad din ang mahigpit na parusa at multa sa mga guwardiya na mapapatunayang nagkulang o may kapabayaan.