SI Sylvia ay limang taong nagsilbing caregiver ni Lola Julia. Kumukuha siya ng nursing pero tumigil sa pag-aaral noong nasa 2nd year dahil nagkasakit ang tatay na nagsa-Saudi at namatay. Upang matulungan ang ina bumubuhay sa kanilang anim na magkakapatid, pumasok siyang caregiver ni Lola Julia. Ang caregiver ni Lola Julia ay kapitbahay nila pero natanggap na caregiver sa Canada kaya inirekomenda siyang kapalit.
May nakadispley na larawan ng Mahal na Birhen sa kuwarto ni Lola Julia. Nakapaloob ito sa frame na metal. Tuwing Miyerkules, napapansin ng matanda na laging may binabasang novena booklet si Sylvia sa harap ng larawan ng Mahal na Birhen.
“Kung gusto mong magsimba sa Baclaran tuwing Miyerkules ay papayagan kita,” sabi ng matanda kay Sylvia.
“Gusto ko po, nahihiya lang akong magpaalam sa iyo.”
“Kung 2 to 3 hours ka lang namang mawawala, I can take care of myself. Isa pa, nandiyan naman si Lydia. Curious lang ako, and I hope you don’t mind, ano ang hinihingi mo kay Mama Mary?”
“Magkaroon po ako ng pera para maipagpatuloy ang pag-aaral.”
“Ibibigay ‘yan sa iyo ni Mama Mary. Magugulat ka na lang.”
Nang humina ang pangangatawan ng matanda, hindi na siya maiwan ni Sylvia kaya sa harap na lang ng larawan ng Mahal na Birhen siya nagnonobena. Dumating ang sandali na pumanaw ang matanda. Dumating mula sa ibang bansa ang dalawa nitong anak. Nagpasiya ang mga ito na ibenta ang bahay at i-garage sale ang lahat ng gamit sa bahay. Kinausap si Sylvia ng panganay na anak: “Naging mabuti kang caregiver ni Mama kaya I decided to give you a gift. Kung papipiliin ba kita ng isang gamit dito sa bahay na nais mong hingin as a souvenir, ano iyon?”
“Mam, ‘yun pong larawan ni Mama Mary sa kuwarto ni Lola Julia. Deboto pa ako ng Mahal na Birhen”.
“Okey, go, tanggalin mo na sa wall.”
Walang interes sa larawan ni Mama Mary ang magkapatid dahil simula nang mag-abroad ay kumalas na sila sa pagiging Katoliko. Magkaiba ang sinalihang sekta na hindi naniniwala sa mga santo.
Pag-uwi sa bahay ni Sylvia, excited nitong isinabit ang larawan ng Mahal na Birhen sa kanilang altar na nasa salas. Nagkataong dumating ang kanyang kapatid na nagtatrabaho sa pawnshop. Titig na titig ito sa larawan. Tapos hinaplos ang metal na frame nito.
“Ate Sylvia, saan galing ito?”
“Bigay sa akin ng anak ni Lola Julia.”
“Ate, antique na ginto ang frame na ito.”
Tinanggal sa frame ang larawan. Hinipo ng kapatid ang bato.
“Diamond ang tatlong batong narito sa ulo. Dadalhin ko bukas sa pawnshop dahil may gamit kami para malaman ang karats.”
Kinabukasan, ayon sa may-ari ng pawnshop, ang arawan ng Mahal na Birhen, kasama na ang gold frame ay nagkakahalaga ng P2 milyon.