Manang Rose (147)

Naisip naman ni Manang Rose na baka nagkakatampuhan lamang o may lover’s quarrel ang dalawa kaya parang may problema. Karaniwan na ang ganito sa magkasintahan. Alam niya dahil nangyari rin ito sa kanya noon. Alam niya ang damdamin ng lalaki at babae na umiibig.

Hindi pinansin ni Manang Rose ang seryosong pag-uusap nina Gino at Eliz. Hinayaan niyang resolbahin ng mga ito ang kanilang pagtatampuhan o away-magkasintahan. Hindi siya dapat manghimasok.  Palihim na siyang umalis at nagtungo sa kanyang kuwarto.

SABADO. Sinundo ni Gino si Eliz sa UST. Sa dating lugar sa harap ng Educ Building naghintay si Eliz. Nakaupo siya sa concrete bench. Tuwing Sabado ay regular na sinusundo siya ni Gino.

Nang dumating si Gino sa lugar ay napansin niyang malalim na nag-iisip si Eliz. Hindi namalayan ang kanyang paglapit.

“Eliz!’’ tawag niya.

Nagulat si Eliz.

“Mukhang malalim ang iniisip. Huwag mong sabihin na balon ang iniisip mo?’’

Hindi kinagat ni Eliz ang joke ni Gino at sa halip may sinabi.

“Umalis na raw si Mama papuntang Saudi.’’

“Kailan pa?”

“Kanina raw alas dos. Tinawagan ako ni Ella.’’

Hindi nakapagsalita si Gino. Kaya pala problemado si Eliz.

“Paano ang gagawin natin, Gino?’’

Wala pa ring masabi si Gino.

“Gusto kong makuha na sina Ella at Emmie sa lalong madaling panahon.’’

“Kakausapin ko si Manang. Pagdating natin sa bahay, kakausapin ko na siya.’’

“Sasamahan pa kita sa pakikipag-usap?’’

“Ako na lang. Huwag kang mag-worry, Eliz. Malulutas din ang problema.’’

Pinisil ni Gino ang palad ni Eliz.

(Itutuloy)

Show comments