Disiplina ang kailangan

MAY tatlong pangunahing problemang kinakaharap ang mga mamamayan sa Metro Manila: pabahay, baha at trapiko. Sa pabahay, noong 2020 ay tatlong milyon ang kakulangan, pero sa taong ito’y tinatayang aabot na sa 6.5 milyon. Mas mabilis ang pagdami ng populasyon kaysa pabahay.

Ayon sa isang grupo ng mga housing developers, plano ng gobyerno na magtayo ng isang milyong pabahay taun-taon, pero sa ngayon ay hanggang sa pinakamataas na 300,000 lamang ang naitatayo. Ang bahay ay isa sa pangunahing pangangaila­ngan ng tao upag mabuhay nang may dangal. Kay dami nating kababayan na nakatira sa mga barung-barong na nakatayo sa mga estero, mga barung-baro na napakalayo sa depinisyon ng isang marangal na tirahan.  Ang problemang ito ng Metro Manila ay nauulit sa iba pang siyudad at bayan sa buong Pilipinas.

Malaki ring problema ang nararanasang baha sa Metro Manila, at maging sa mga lalawigan, kapag dumarating ang tag-ulan. Ang mga bahang ito’y sumisira sa mga pananim, ari-arian, hanapbuhay, at buhay ng mga tao. Kapag tag-init, nangangamba ang mga taga-Metro Manila na baka magrasyon ng tubig kapag bumaba nang bumaba ang level ng tubig sa Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig. Kapag tag-ulan naman, kailangang magpakawala ng tubig kapag apaw na ang tubig sa dam.  Sala sa lamig, sala sa init, wika nga. Ang solusyong nakikita ng mga eksperto ay ang pagtatayo ng mga karagdagang dam.

Pagkatapos ng COVID pandemic, balik na naman sa grabeng trapiko sa Metro Manila at maging sa malalaking siyudad sa buong bansa.  Ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng Japan International Cooperation Agency, umaabot sa P2.4 billion ang nawawala araw-araw dahil sa matinding trapiko, at kung walang gagawin para solusyunan ang problema, aabot sa P6 bilyon araw-araw ang mawawala. Ang bilyung-bilyong pisong halaga na nasasayang araw-araw dahil sa trapiko ay malaki sanang ambag sa kaunlaran ng Metro Manila.

Sobra-sobra na ang populasyon sa Metro Manila. Sa ngayon, umaabot na sa 14.7 milyon ang populasyon sa sukat ng lupang umaabot lamang ng 619.57 square kilometers. Bilang isang grupo, ang Metro Manila ang ika-limang may pinakamalaking populasyon sa buong daigdig. Kailangang seryosohin na ng gobyerno ang “Balik-Probinsya Program” at huwag lamang gamiting isang political campaign slogan.

Malaking kontribusyon sa baha sa Metro Manila ang pagtatapon sa mga estero ng mga basura, lalo na ng plastic. Ang Pilipinas ay nangunguna sa buong daigdig sa pagtatapon ng plastic sa mga estero at iba pang daanan ng tubig. Kulang tayo sa pagmamahal sa kalikasan. Napakarami na nating pinatay na ilog dahil sa ating sariling kapabayaan.

Sobra-sobra ang sasakyan dito sa atin dahil sa kawalan ng magandang public transport system.  Kung maayos ang sasakyang pampubliko, maraming hindi na gagamit ng pribadong sasakyan.  Pero napakalaki pa ring kontribusyon sa trapiko ang kawalan ng disiplina ng mga motorista na sinusunod lang ang batas trapiko kung may nakabantay na traffic enforcer. 

Sa kabuuan, marami tayong problema na hindi sana problema kung tayo’y may disiplina. Ito ang dapat ikampanya ng kasalukuyang administrasyon.  Maganda ang slogan na pinalaganap noong panahon ni Presidente Ferdinand Marcos Sr., “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Pero hindi lang dapat slogan, kundi totohanang gagawin.   

 

  

  

Show comments