MARAMING ipinagmalaki at ipinangako pa si President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 24. Isang oras at 10 minuto niyang inilahad ang mga nagawa ng kanyang isang taong pamumuno.
Kabilang sa ipinagmalaki niya ang programa sa pabahay para sa mahihirap. Marami na raw ang napagkalooban ng bahay pero palalawigin pa. Mahigit isang milyong kabahayan daw ang iaalay ng kanyang administrasyon sa mga mahihirap.
Ipinagmalaki rin niya ang pagkakasabatas ng New Agrarian Emancipation Act. Ipinangako umano niya ito sa kanyang unang SONA. Nabura ng batas ang 57 bilyong pisong utang na pinapasan ng 600,000 benepisyaryo.
Ipinagmalaki ng Presidente ang paglago ng ekonomiya noong 2022 kung saan nakapagposte ng 7.6 percent—pinakamalaki sa loob ng 46 na taon.
Ipinagmalaki rin niya ang pagpapagawa ng mga kalsada. Ayon pa sa kanya, ang 1,200-kilometer Luzon Spine Expressway Network Program ay magkokonekta sa Ilocos hanggang Bicol na ang dating 20 oras ng biyahe ay magiging siyam na oras na lamang.
Ipinangako naman niya ang pagkakaroon ng sapat at malinis na tubig para sa lahat at sa mga susunod na henerasyon. Nakikipag-ugnayan na raw siya sa Kongreso upang maipasa ang batas na magtatatag ng Department of Water Resource Management.
Sa kampanya sa illegal drugs, sinabi ni Marcos na magpapatuloy ito pero magkakaroon ng bagong mukha. Magkakaroon ng community-based treatment, rehabilitation, education, at reintegration upang malutas ang problema sa droga.
Tiniyak ang pamamahagi ng benepisyo sa healthcare workers (HCWs) ng kanilang COVID healh emergency allowance at iba pang nakabinbing benepisyo para masuklian ang ginawa nilang pagsasakripisyo noong pandemya.
Marami pang inilatag at pinangako ang Presidente pero ang pinakamasustansiya sa lahat ay ang sinabi niyang huhulihin ang mga smugglers, hoarders ng agri products. Bilang na umano ang araw ng mga ito.
Sana totoo na ito at hindi pagbabanta lamang. Dakmain ang mga smugglers at kasuhan saka bulukin sa bilangguan. Hulihin din ang mga korap sa Customs na kakutsaba ng agri smugglers. Dakmain din ang mga korap sa Department of Agriculture. Hindi sana mauwi sa pagbabanta ang lahat.