Dear Attorney,
Puwede ba sa batas na walang vacation o sick leave ang empleyado? Matagal na kasi akong regular na empleyado sa employer ko ngayon pero nang magkasakit ako noong isang buwan ay saka ko na lamang nalaman na wala pala kaming sick leave kaya ilang araw akong no work no pay. Puwede bang ireklamo ang employer ko? —Claire
Dear Claire,
Wala talagang “sick leave” sa ilalim ng ating Labor Code. Ang tanging nakalagay sa Labor Code ay ang pagbibigay ng tinatawag na Service Incentive Leave (SIL) na limang araw na paid leave kada taon para sa mga empleyadong naka-isang taon na sa trabaho.
Dahil ang SIL lang naman ang nakasaad sa Labor Code, hindi isang karapatan ng empleyado ang pagkakaroon ng vacation at sick leave kung batas lang ang pagbabasehan.
Ang tungkulin lamang ng mga employer sa ilalim ng Labor Code ay ang pagbibigay sa kanilang mga empleyado ng limang araw kada taon na bayad kahit hindi pumasok sa trabaho ang empleyado.
Tingnan mo na lang ang iyong employment contract at collective bargaining agreement (kung mayroon man) kung may nakalagay doon na vacation at sick leave. Puwede rin na pagbasehan ang mga matatagal nang polisiya ng inyong kompanya kung nagbibigay ba sila ng vacation at sick leave dati pa.
Kung wala talagang vacation o sick leave sa kontrata o sa CBA, at talagang hindi polisiya ng kompanya ang pagbibigay ng mga ito, tanging ang limang araw na service incentive leave sa ilalim ng ating batas ang iyong maaasahan.