NAGDADALAWANG isip ang lalaki kung tatawagan ba niya ang ina mula sa kanyang cell phone. Nag-isip siya nang matagal. Sa bandang huli ay nanaig ang pagkasabik na marinig ang boses ng ina. Hunyo 2002 noon.
“Mama, hindi muna ako makapagpapakita sa iyo.”
“Bakit?” bakas sa mukha ng ina ang matinding pag-aalala.
“Basta. Delikado. Just remember, mahal na mahal kita. Promise, uuwi ako sa Pasko. Nagpadala ako ng pera sa iyong bank account. Ipaopera mo na ang iyong bukol. Baka pa maging cancer ‘yan. Tatawagan kita lagi.” Iyon ang huling pag-uusap nilang mag-ina.
Noong gabi ng Dis. 22, 2002, habang nilalakbay ng ilang motorista ang kahabaan ng A3 road sa Surrey England, nagulat sila nang isang kotse sa kanilang unahan ay nagpaekis-ekis tapos lumiko sa kaliwa at nagtuluy-tuloy sa kakahuyan na alam ng lahat na may ilog na babagsakan dito. Nagbabaan ang mga motorista at pumunta sa kinahulugan ng kotse upang tulungan ang mga sakay nito. Sa kanilang pagtataka, wala silang nakitang kotse. Kahit bakas na may nahulog na kotse ay wala silang nakita. Magkaganunman, tumawag pa rin ang mga motorista ng pulis. Ngunit wala ring nakitang ebidensiya ng aksidente ang mga pulis pagkatapos suyurin ang paligid. Palibhasa ay madilim ang lugar, nagpasya ang mga pulis na bumalik na lang kinaumagahan.
Kinabukasan, nagsama na ng divers ang mga pulis hanggang sa natuklasan nilang may kotse sa ilalim ng ilog. Ngunit ang ipinagtataka ng lahat, kung kagabi lang nangyari ang aksidente, bakit ang paligid ng kotse ay tinubuan na ng lumot? At ang bangkay na nasa loob ng kotse ay kalansay na.
Nabunyag ang katotohanan pagkatapos na isailalim sa forensic test ang bangkay. Ang kalansay sa loob ng kotse ay ang 21-anyos na si Christopher Brian Chandler na wanted sa kasong robbery. Higit-kumulang mga limang buwan na siyang nasa ilalim ng ilog. Inireport siyang nawawala ng mga kaanak simula pa noong Hulyo ng parehong taon. Kung ganoon, ang nakita ng mga motorista ay “ghostly re-enactment”.
Nagparamdam si Christopher upang matuklasan ang kanyang bangkay. Marahil ay gusto niyang tumupad sa kanyang pangako sa ina na uuwi siya sa Pasko.
Siya ang lalaking nakikipag-usap sa kanyang ina sa cell phone. Jobless siya kaya nagnakaw para magkaroon ng pampaopera ang ina. May bukol sa suso ang kanyang ina. Narinig niyang sinabi ng doktor na malaki ang tsansa na maging kanser ang bukol.