SA Hulyo 15 pa magpapasya ang Pilipinas kung pagbibigyan ang kahilingan ng United States na pasilungin sa bansa ang 50,000 Afghans. Dapat tanggihan ng Pilipinas ang kahilingan. Unang-una, hindi naman talaga mga refugees ang Afghans na ipinakikiusap ng U.S. na dito pasilungin. Sila ay mga dating empleyado ng U.S. facilities sa Kabul, Afghanistan. Nang bumagsak ang Afghanistan sa Taliban rebels noong 2021, ang mga empleyado kasama ang kanilang pamilya na gustong tumakas sa nasabing bansa ay kinupkop ng U.S. at pagkakalooban ng special visa para makapanirahan sa alinmang estado ng U.S.
Habang pinuproseso ang pagbibigay ng visa, hiniling ni U.S. President Joe Biden sa Pilipinas na kung maaari, dito sa Pilipinas mag-shelter pansamantala ang Afghans. Sasagutin daw ng U.S. ang lahat ng gastos habang narito ang Afghans. Pananagutan din daw ng U.S. ang mga maaaring mangyari habang narito ang Afghans.
May mga sumang-ayon at hindi sa kahilingan ng U.S. Sabi ni Presidential Counsel Juan Ponce Enrile, wala raw masama kung patuluyin ang Afghans. Ganito rin ang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, pabor siyang maging host ang Pilipinas sa Afghan refugees.
Tutol naman si Vice President Sara Duterte at Senator Imee Marcos sapagkat banta sa seguridad ng bansa kung dito patitirahin ang Afghans. Isa pa, marami nang problema ang bansa at hindi na dapat dagdagan pa.
Sabi naman ni President Ferdinand Marcos Jr. na wala pang ipinangangako ang Pilipinas sa U.S, sa kahilingan nito na tanggapin sa bansa ang Afghan nationals. Wala raw binibitiwang commitment ang bansa sa U.S. kaugnay sa isyu ng Afghans. Pinag-aaralan daw itong mabuti at may posibilidad na i-reject ang kahilingan. Isinasaalang-alang daw ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino.
Hindi naman talaga nararapat na dito sa Pilipinas iproseso ng U.S. ang mga papeles ng Afghan nationals. Bakit hindi sa teritoryo nila gawin? Bakit dito ang napili nila? Dahil wala silang pakialam sa buhay ng mga Pilipino kapag nagkaroon ng mga pambobomba. Madaling makakapasok ang suicide bombers kapag ginusto nilang gantihan ang U.S. at Afghans. Madadamay pa ang mga Pilipino kapag ipinilit ang kagustuhan. Magpasya na ang pamahalaan habang maaga. Tanggihan ang kahilingan.