Dear Attorney,
Nag-resign po ako sa trabaho dahil sa hindi magandang pakikitungo sa akin ng boss ko. Puwede pa ba akong magreklamo ng illegal dismissal laban sa kompanya kahit nakapag-submit na ako ng resignation letter? —Rian
Dear Rian,
Maari kang magreklamo ng illegal dismissal kahit pa ikaw ay nag-resign kung ikaw ay napilitan lamang dahil sa malinaw na diskriminasyon o kalupitan ng employer, o dahil sa hindi kaaya-ayang kondisyon sa trabaho na dulot rin ng employer.
Nasa employer mo na kung mapapatunayan nilang boluntaryo ang ginawa mong pagre-resign. Maari nilang ihain na ebidensya ang mga naging kilos mo bago at matapos ang iyong pagre-resign, kabilang na ang nilalaman ng iyong resignation letter, upang maipakitang hindi ka naman talaga napilitang umalis sa trabaho.
Sa kaso ng Pascual v. Sitel Philippines Corporation (G.R. No. 240484, March 09, 2020), kinatigan ng Korte Suprema ang employer matapos itong ireklamo ng dati nitong empleyado ng constructive dismissal. Ayon sa Korte Suprema, hindi naman napilitang mag-resign ang nagrereklamong empleyado.
Malinaw kasi sa resignation letter ng empleyado na siya ay boluntaryong nag-resign kung saan nakalagay pa nga ang hiling niyang pagproseso ng kanyang mga hindi pa natatanggap na sahod at ang pag-iisyu ng kanyang certificate of employment.
Ang ilang ulit niya ring pagsusumite ng resignation letter sa kompanya ay pagpapakita rin na hindi talaga napilitang mag-resign ang empleyado.
Kaya kung irereklamo mo ang iyong dating employer base sa alegasyong napilitan ka lamang umalis sa trabaho, siguraduhin mong naging malinaw ka sa mga ikinilos mo bago at matapos ang iyong resignation na napilitan ka lamang mag-resign dahil sa employer mo. Maari kasing gamitin ng dati mong employer na ebidensiya ang anumang aksyon mo na magpapakitang boluntaryo naman ang naging pag-alis mo sa kompanya.