TAMANG solusyon nga ba ang pagbibigay ng temporary license sa mga nursing graduates na ‘di nakapasa sa licensure examination, dahil sa kakulangan ng nurse sa bansa?
Hati ang opinyon dito ng marami nating mga kababayan, maging ng ilang opisyal sa pamahalaan.
Ito kasi ang balak ni Health Secretary Ted Herbosa na una nang nagpahayag na alarming na ang mabilis na pagkaubos ng mga nurse sa bansa.
Kulang na kulang na umano ang nurse sa mga government hospital, at ramdam na rin ang pangongonti sa mga pribadong pagamutan.
Ito ay dahil sa pangingibang bansa ng mga nurse dahil sa mas malaking sahod kumpara sa kita nila sa bansa.
Yan ang dahilan kaya kinakapos sa nurse ang Pinas.
Sa kasalukuyan, nasa 70 government hospitals ang may kabuuang 4,500 vacant plantilla para sa mga nurses sa buong bansa.
Sa kasalukuyan din, mayroon lamang 44, 602 na doktor at 178,629 nurses ang nagtatrabaho sa Pinas. Malayo sa datos ng Professional Regulatory Commission (PRC) na nagsasabing 95,000 ang lisensiyadong doktor at 506,000 ang lisensiyadong nurses sa bansa.
Sa balaking temporary license, niliwanag ng PRC na hindi ito makikita sa probisyon ng Philippine Nursing Act 2002.
Kailangan muna umanong maamyendahan ang probisyon sa RA Act. No. 9173, bago maipatupad ang planong kunin ang serbisyo ng mga unlicense nursing graduates na iha-hire sa mga government hospital.
Marami ring mga mambabatas ang tutol sa panukalang ito.
Hindi naman kasi biro ang susuungin nilang trabaho kung sakali, kung saan nga nakasalalay dyan ay buhay ng mga mamamayan.
Maraming paraan marahil ang pwedeng gawin para mapigilan at matugunan ang paglabas ng bansa ng mga Pinoy nurse.
Baka kasi kung magpapadaskol-daskol sa desisyon baka imbes na masolusyunan ang problema eh lalo pang lumala kung hindi pag-aaralang mabuti bago ipatupad.