Noong nakaraang taon, P30 bilyon ang nawala sa kaban ng bansa dahil sa talamak na smuggling ng agricultural products. Ngayong taon, sinasabing mas malaki pa ang mawawala sa pamahalaan dahil sa walang tigil na smuggling. Wala nang natatakot na smugglers sa Anti-Agricultural Smuggling Act. Pinagtatawanan lang ng smugglers ang batas na ito na nilikha noong 2016.
Inutil ang batas sapagkat hanggang ngayon, wala ni isa mang smugglers na napaparusahan. Sabi ng Bureau of Customs mayroon na raw silang kinasuhan na smugglers pero hindi naman nila maihayag ang pangalan ng mga ito. Noong nakaraang taon, sinabi ng Customs na 30 smugglers daw ang kanilang sinampahan ng kaso. Bakit wala pang naipakukulong?
Sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So noon sa hearing ng Senado, nawalan ang pamahalaan ng P30 bilyon dahil sa smuggling ng agri products. Sabi ni So, sa smuggled na bigas ay P10 bilyon ang nawala sa pamahalaan. Sa karneng baboy at manok, P6-7 bilyon ang nawala at sa sibuyas ay P3-4 bilyon. Sa iba pa raw commodities ay malaki rin ang nawala dahil sa smuggling.
Sa nangyayaring smuggling ng agri products, buong tapang na sinabi ni So na may kasabwat ang smugglers sa Customs. Hindi raw makakalabas ang kontrabando kung walang kasabwat sa Customs.
Depensa naman ng Customs, kung meron daw kasabwat sa kanila, nagsisimula raw iyan sa mga puerto dahil doon pinoproseso ang shipments. Sinabi pa ng Customs na apat na tao na sangkot sa smuggling ng agricultural commodities ang kasalukuyang naka-detained. Ipinagmalaki ng Customs na nakakumpiska sila ng P2.7 bilyong halaga ng agricultural products sa mga port. Kabilang daw sa mga nakumpiska ang asukal, sibuyas, carrots, seafood, beef, pork at mga prutas.
Noon pa, marami nang Customs officials at mga tauhan ang sangkot sa katiwalian. Tama si So sa pagsasabing hindi makakalabas ng Customs ang smuggled commodities kung walang padrino. Nararapat lang na magkaroon nang malawakang “paglilinis” sa Customs dahil sa nangyayaring smuggling ng agri products. Marami sa taga-Customs ang kasabwat ng smugglers.