Doktor sa Germany na ginawang assistant ang isang janitor sa pag-oopera, sinisante!

Pinatalsik ng isang ospital sa western Germany ang isa sa kanilang surgeon matapos matuklasan na habang may inoo­perahan itong pasyente, humingi ito ng tulong sa isang janitor dahil wala siyang available na assistant!

Ayon kay Norbert Pfeiffer, ang chief executive ng The University Medical Center of the Johannes Gutenberg University Mainz, naganap ang insidente na ito noong 2020.

Naka-schedule ang isang pasyente para sa routine toe amputation kung saan dalawang surgeon ang magsasagawa ng operasyon. Ngunit nang kinailangan ang dalawang surgeon sa emergency room, natoka ito sa ikatlong surgeon pero walang available na qualified assistant na tutulong sa kanya. Kahit walang assistant ang doktor, hindi nito kinansela ang operasyon.

Matapos mabigyan ng local anesthetic ang pas­yente, naging malikot at hindi mapigilan ang paggalaw nito sa operating table. Dahil dito, tinawag ng doktor ang isang babaing janitor sa hallway para tulungan siyang hawakan ang binti ng pasyente. Inutusan din ang janitor na mag-abot ng surgical instruments.

Natuklasan ng mga hospital officials ang tungkol sa insidenteng ito nang makita ng operating room manager ang janitor na may hawak na duguang gauze pads sa opera­ting theatre.

Sa kabutihang palad, walang komplikasyon na nangyari sa operasyon at ligtas na na-amputate ang daliri nito sa paa. Pero dahil ang naganap na procedure ay “clear violation of existing regulations”, tuluyang pinatalsik sa ospital ang doktor noong 2021.

Show comments