Diamond ring na nahulog sa kubeta 13 taon na ang nakararaan,naibalik sa may-ari!

ISANG diamond ring na nai-flush sa toilet mahigit isang dekada na ang nakararaan ang himalang naibalik sa may-ari nito!

Noong Marso 2023, may natagpuang singsing si John Tierney sa isang waste water plant sa Minnesota. Sa siyam na taong pagtatrabaho ni Tierney bilang maintenance manager, noon lang siya nakapulot ng mamahaling bagay mula sa machinery ng kanilang planta.

Upang mahanap ang may-ari ng singsing, humingi ng tulong si Tierney sa mga local news agency sa Rogers, Minnesota para ibalita sa mga local news program doon na hinahanap nila ang may-ari ng natagpuan nilang diamond ring. Hindi ipinakita ang hitsura ng diamond ring sa TV upang maiwasan ang mga magpapanggap na sa kanila ang singsing.

Napanood ni Mary Strand sa TV ang news feature tungkol sa natagpuang diamond ring at naghinala siya na ito ang nawala niyang singsing. Ang diamond ring ay 33rd wedding anniversary gift sa kanya ng asawa noong 2008. Maluwag ito sa kanyang daliri kaya ilang buwan matapos itong iregalo sa kanya, humulagpos ito sa kanyang kamay at nalaglag sa toilet.

Nakipag-ugnayan si Strand kay Tierney. Inilarawan ni Strand kung anong hitsura ng nawawala niyang singsing at tumugma ito sa diamond ring na natagpuan ni Tierney. Mahigit sa 100 katao rin ang nag-claim na sila ang may-ari ng nawawalang singsing pero si Strand lamang ang nakapagbigay ng eksaktong description kung ano ang hitsura nito.

Nang maibalik na kay Strand ang singsing, nagpasalamat ito at ang kanyang asawa kay Tierney. Nagpasalamat din ito sa local news program na nanawagan para sila’y hanapin.

Show comments