Puwede bang ireklamo ang employer?

Dear Attorney,

May retrenchment po sa kompanya namin at isa po ako sa matatanggal. May inalok naman pong posisyon sa sister company kaso ay mas maliit ang sahod kaysa sa natatanggap ko ngayon. Puwede ko bang hilingin na dapat ay kapareho pa rin ang sahod na matatanggap at puwede ba akong magkaso kung hindi ibigay ang hinihiling ko? — Faye

Dear Faye,

Kung may sapat talagang dahilan para mag-retrench ang kompanya n’yo, ang tanging may karapatan lang na asahan sa sitwasyon mo ay ang mabigyan ka ng sapat na notice ukol sa iyong napipintong pagkakatanggal at ang pagbabayad sa iyo ng separation pay.

Isinasagawa ang retrenchment kung nangangailangan ng pagtatanggal ng mga empleyado dahil sa pagkalugi ng negosyo. Kung ang empleyado ay tatanggalin ng kanyang employer ng dahil sa retrenchment ay kailangang mabigyan ang empleyado at ang Department of Labor and Employment ng notice ukol dito tatlumpung (30) araw bago ang nakatakdang pagtanggal sa empleyado.

Kailangan ding bayaran ang mga apektadong  empleyado ng separation pay na katumbas ng kalahating buwan na sahod para sa bawat taon ng kanilang naging serbisyo.

Ito lamang ang obligasyon ng employer sa mga empleyadong na-retrench sa ilalim ng batas. Hindi obligasyon ng employer na hanapan ng kapalit na trabaho ang natanggal na empleyado kaya masuwerte pa kayo na may inaalok sa inyong kapalit na posisyon kahit pa mas maliit na sahod ang kaakibat nito.

Kaya kung may dahilan talaga para mag-retrench ang inyong kompanya at nasunod naman ang tamang proseso sa pagre-retrench sa inyo bukod sa pagbabayad ng separation pay na dapat n’yong matanggap ay wala akong nakikitang ibang dahilan para ikaw ay magreklamo laban sa iyong employer base sa inilahad mo.

Show comments