ISANG 58-anyos na lalaki sa Iran ang diumano’y tumigil kumain noong 2006 at tanging softdrinks ang pinagkukuhanan ng nutrisyon at enerhiya ng katawan!
Noong 2006, nagising isang gabi si Gholamreza Ardeshiri na may hindi maipaliwanag na pangit na pakiramdam sa loob ng kanyang bibig. Ayon sa kanya, tila may “mabuhok at mahabang nilalang” sa kanyang bibig at umaabot ito hanggang sa kanyang sikmura.
Nagpatingin siya sa doktor ngunit walang makita ang mga ito na “mabuhok na nilalang”. Wala ring makapagsabi kung ano ang karamdaman na ito.
Simula noon, tuwing nakakakita siya ng pagkain ay nasusuka at sumasama ang pakiramdam niya. Sa sobrang malala ng problema niya, kinakailangang magtago siya sa kuwarto tuwing kakain ang kanyang pamilya dahil sa tuwing makakakita siya ng taong kumakain ay nagkakasakit siya.
Para tumigil ang pakiramdam na ito, nagdesisyon siya na huwag kumain at ang tanging pagkukuhanan niya ng enerhiya ay softdrinks. Simula noon, kumukunsumo si Ardeshiri ng tatlong bote ng softdrinks araw-araw.
Alam ni Ardeshiri na hindi maganda sa katawan ang softdrinks. Ayon sa kanya, nabawasan ng 32 kilos ang timbang niya dahil sa kanyang “softdrinks only diet”. Pero bukod dito, wala siyang serious health problems at wala siyang diabetes. Taun-taon siyang nagpapa-checkup at sumailalim na rin siya sa endoscopy at nakumpirma na healthy ang pangangatawan niya.
Bukod sa softdrinks, paminsan-minsan ay umiinom din siya ng tubig at tsaa.