Isang 39-anyos na babae sa Colombia ang 10 taon na nagtiis ng pananakit ng tiyan dahil sa karayom na nakalimutang tanggalin pagkatapos siyang maoperahan!
Noong 2012, sumailalim sa tubal ligation ang misis na si Maria Aderlinda Forero sa isang clinic sa San Jose del Guaviare. Walang naging problema sa kanyang operasyon ngunit pagkalipas ng ilang araw, nakaramdam nang matinding pananakit sa kanyang abdomen area si Maria.
Nang magpatingin siya sa doktor, pinayuhan lamang siya na uminom ng paracetamol. Sa ilang beses na pagpapakunsulta niya sa doktor, walang nakikitang problema kaya nireresetahan lamang siya ng painkiller medicine. Bukod sa kakulangan sa pera, malayo at inaabot ng dalawang oras ang kailangang ibiyahe ni Maria para magpakunsulta sa doktor. Dahil dito, bihira siyang makakita ng doktor at umiinom na lang siya ng painkillers tuwing sumasakit ang tiyan.
Noong Nobyembre 2022, hindi na kinakaya ng mga iniinom na painkiller medicine na gamutin ang hapdi ng tiyan ni Maria kaya nagpatingin na siya sa isang ospital. Sa pamamagitan ng MRI scan, nakita na may surgical needle na may sinulid sa kanyang tiyan.
Sa susunod na buwan, sasailalim sa isang evaluation si Maria upang malaman kung ano ang pinakaligtas na paraan para maalis na ang karayom sa tiyan. Sa kasalukuyan, hindi pa makapaghain ng reklamo si Maria laban sa clinic na nag-iwan ng karayon dahil hinihintay pa nila ang evaluation.
Ayon sa ilang news agencies sa Colombia, nagbigay diumano ng pahayag ang clinic at itinatanggi nito na sila ang may kasalanan sa natagpuang karayom sa tiyan ni Maria. Naghihinala pa ang mga ito na sinadyang lumunok ang biktima ng karayom para makahingi ng danyos perwisyo.