Lalaki, nabisto na may ‘sugar daddy’ ang kanyang nobya dahil sa itlog!

SIMULA pa noong Enero, may nararanasang kakulangan ng itlog sa Taiwan. Dahil dito, tumaas ang presyo ng itlog at nililimitahan ng mga supermarket doon ang dami ng maaaring bilhin na itlog ng bawat mamimili. 

Dahil sa egg shortage, nabisto ng isang hindi pinangalanang lalaki ang lihim na trabaho ng kanyang girlfriend bilang “escort” ng mga mayayaman at matatandang businessman. Ito ay matapos matuklasan niya na may itinatagong dose-dosenang itlog ang kanyang girlfriend sa apartment nito.

Nagsimula ang kuwento nang bumisita ang lalaki sa inu­upahang apartment ng kanyang girlfriend. Wala roon ang kasin­tahan pero dahil may susi siya rito, pumasok siya para sa loob na maghintay.

Pagpasok, nagulat ang lalaki sa nakitang dalawang kahon ng top quality na itlog. Nagtaka ito kung paano nakabili ang kasintahan samantalang parehas lamang silang college student at umaasa sa allowance ng kani-kanilang magulang.

Nang tinanong ng lalaki ang kasintahan kung bakit marami itong stock ng itlog, nagdahilan ang girlfriend na bigay ito ng kanyang magulang. Paborito ng lalaki ang itlog, kaya nag-uwi pa ito ng anim na piraso sa kanyang bahay.

Dahil sa tuwa na makakatikim muli siya ng itlog, nagpasalamat siya sa ina ng girlfriend sa pamamagitan ng pag-message dito sa social media.

Agad nagreply ang ina sa kanya at nagsabing wala siyang ibinibigay na itlog sa anak dahil siya mismo ay hindi makabili ng itlog.

Agad kinompronta ng lalaki ang girlfriend at napilitan itong umamin na galing ang mga itlog sa dalawang mayamang businessman na nakikipag-date sa kanya.

Naging viral ang kuwentong ito matapos i-post ng lalaki sa social media website na Dcard ang kanyang karanasan.

Sa kasalukuyan, nag-update ang lalaki na hindi sila nag­hiwalay ng kanyang girlfriend matapos mangako ito na ititigil na ang pagtatrabaho bilang escort.

Show comments